ARESTADO ang tatlong indibiduwal na pawang lumabag sa batas sa sunod-sunod na operasyon na isinagawa ng mga awtoridad hanggang nitong Miyerkoles ng umaga, 1 Mayo, sa lalawigan ng Bulacan.
Sa ulat na ipinadala kay P/Col. Relly Arnedo, provincial director ng Bulacan PPO, nagkasa ng warrant of arrest ang tracker team ng Marilao MPS laban kay alyas Carlito, 39-anyos construction worker na nakatala bilang No. 3 most wanted person (MWP) sa municipal level ng Marilao, sa kasong paglabag sa Art. II Sec. 12 ng RA 9165 o Comprehensive Dangerours Drugs Act of 2002, na inisyu ng San Jose del Monte RTC Branch 77.
Kasunod nito, nagsagawa ng search warrant ang mga awtoridad sa Brgy. Pajo, sa lungsod ng Meycauayan, na inisyu ng Executive Judge ng Meycauayan City MTC Branch 1, laban sa suspek na kinilalang si alyas John na nasamsaman ng isang kalibre .38 revolver na may tatlong bala.
Samantala, arestado ang dalawang lalaking suspek matapos magnakaw ng motorsiklo sa lungsod din ng Meycauayan, nitong Martes ng madaling araw, 29 Abril.
Tinangka pang tumakas ng mga suspek ngunit naharang ng mga pulis sa isinagawang Oplan Sita operation sa Brgy. Perez.
Kabilang sa mga narekober ang dalawang motorsiklo at isang baril na inilagak sa Bulacan Provincial Forensic Unit para sa ballistic examinations, habang mga reklamong kriminal laban sa mga suspek ay inihain para sa karagdagang legal na aksiyon. (MICKA BAUTISTA)