ISANG nurse at isang pang lalaki ang namatay sa pamamaril ng lasing na rider, nang sumemplang ang kanyang motorsiklo, at tinangkang tulungan ng dalawang biktima sa Caloocan City, kamakalawa ng gabi.
Patay agad ang mga biktimang kinilalang sina Mark John Aurey Blanco, 38 anyos, nurse, residente sa Merry Homes Subdivision, Brgy.172, Urduja, at si Willy Manarom, 39 anyos, residente sa Brgy. 173 Congress ng nasabing lungsod, sanhi ng mga tama ng bala sa katawan.
Arestado ang suspek na kinilalang si Joel Vecino, 54 anyos, security officer, residente sa Badjao St., Saint Dominic, Brgy. 168 Deparo ng nasabing lungsod.
Batay sa pinagsamang ulat nina P/SSgts. Leo Augusto Reyes at Karl Piggangay kay Caloocan City police Chief P/Col. Ruben Lacuesta , dakong 8:10 kamakalawa ng gabi nang sumemplang ang motorsiklong minamaneho ng suspek matapos mawalan ng kontrol sanhi ng kalasingan sa kanto ng Road 17 at Road 6, Lagumbay St., Upper Congress Village, Brgy. 173.
Nang makita ang insidente, tinangkang tumulong ng biktimang nurse, ngunit sa hindi batid na kadahilan, tila praning ang suspek na biglang bumunot ng baril at agad pinaputukan si Blanco.
Tinangkang umawat ng biktimang si Manarom ngunit pinagbabaril din siya ng lasing na sekyu.
Agad na namatay ang mga biktimang sina Blanco at Manarom sa pamamaril.
Tinangkang tumakas ng suspek nang makita ang paparating na mga tauhan ng Congressional Police Sub-Station-9 ngunit maagap siyang nadakip ng mga pulis.
Ayon kay Col. Lacuesta, nakumpiska sa suspek ang isang kalibre 9mm Glock pistol na may magazine habang nakuha sa lugar na pinangyarihan ng krimen ang tatlong basyo ng bala ng naturang kalibre ng baril.
Nahaharap ang suspek na si Vecino sa kasong dalawang bilang na murder habang pansamantalang nakapiit sa Caloocan City Police detention cell. (ROMMEL SALES)