PATAY ang tatlo katao kabilang ang isang 7-anyos na batang babae, ang kanyang nanay, at isang rider habang 17 ang sugatan makaraang ararohin ng pampasaherong bus na nawalan ng preno ang dalawang motorsiklo, at anim pang sasakyan nitong Martes ng gabi sa lungsod Quezon.
Sa ulat kay Quezon City Police District (QCPD) Director, P/Brig. Gen. Redrico Maranan, nangyari ang insidente dakong 9:37 pm kagabi, 29 Abril 2024, sa kanto ng Commonwealth Ave. at Fairlane St., Brgy. Fairview, Quezon City.
Ayon kay P/Lt. Hermogenes Portes. Jr., hepe ng Traffic Sector 5, naaresto ang suspek na kinilalang si Rolly Canapi Pascua, 42-anyos, bus driver, residente sa Brgy. Holy Spirit, Quezon City.
Sa imbestigasyon, habang minamaneho ni Pascua ang bus at binabagtas ang Commonwealth Avenue papuntang Elliptical Road, nawalan ito ng preno.
Pagdating sa Fairlane St., naunang inararo nito ang dalawang motorsiklo at UV Express.
Tumuloy-tuloy pa rin ang bus at saka inararo pa ang apat na motorsiklo at isang taksi.
Isinugod sa pinakamalapit na ospital ang mga biktima pero ideneklarang patay ang tatlo, habang ligtas naman ang 17 sugatan.
Kabilang sa mga namatay ay mag-inang isang 7-anyos, at isang 45-anyos na babae, kapwa residente sa Camarin, Caloocan City, at isang 25-anyos rider ng San Mateo, Rizal.
Ang mag-ina ay pasahero ng UV Express.
Hindi muna ibinigay ng pulisya ang pagkakakilanlan ng mga namatay habang ipinaaaalam pa ang insidente sa kani-kanilang pamilya.
Ang suspek ay kakasuhan ng Reckless Imprudence Resulting in Multiple Damage to Property, Multiple Physical Injuries, at Multiple Homicide sa Quezon City Prosecutor’s Office.
“Nakikiramay ang pulisya sa pagkamatay ng tatlong biktima at hangad namin ang agarang paggaling ng iba pang mga biktima na nasugatan. Muli kaming nagpapaalala sa mga nagmamaneho na mag-ingat at ugaliing suriin ang sasakyan bago bumiyahe upang maiwasan ang ganitong mga insidente,” paalala ni Maranan. (ALMAR DANGUILAN)