INIHAYAG ni Gobernador Daniel R. Fernando ng Bulacan, kasama ang mga kinatawan ng tanggapan ng mga pamahalaang nasyonal at mga lokal na opisyal, ang pagpapatupad ng Bulacan River Dredging and Restoration Program sa buong lalawigan, bilang tugon sa panawagan ng pamahalaang nasyonal sa pamamagitan ng Department of Environment and Natural Resources (DENR) Administrative Order 2020-07 para sa pagbuhay sa natural na estado at daloy ng tubig gaya ng heavily silted na mga ilog sa lalawigan.
Iniharap ng gobernador sa mga kongresista, punong bayan, pangalawang punong bayan, at iba pang opisyal sa paglulunsad ng proyekto na ginanap sa EDSA Shangri-La Hotel kahapon ng umaga, ang kanyang nakikitang kongkreto at pangmatagalang solusyon sa deka-dekadang problema sa Bulacan.
Ayon sa gobernador, upang mapanumbalik ang heavily silted na mga ilog sa lalawigan partikular ang Angat River, Pamarawan River, Malolos River, Hagonoy River, at Guiguinto River, kailangan ang malawakang paghuhukay upang magbukas ng navigational channel sa offshore delta.
“The plan is to initially dredge the mouth of the river to enable us to enter smaller inland waters throughout the province. Environmental dredging combined with management of flood water movement, through the construction of floodwalls and floodgates will be the key to solve the decades-old flooding problem in the province,” aniya.
Buo ang pag-asa ni Fernando, agarang mararamdaman ang epekto ng pagpapanumbalik ng mga ilog, sa tulong ng pribadong katuwang na TCSC Corp., sa paparating na panahon ng tag-ulan.
“Ang mga expert engineers and geologists mula sa TCSC Corp., ay gagamit ng state of the art power dredging vessels na may kakayahang mag-dredge ng 1,500 hanggang 2,000 cubic meters per hour kompara sa mga karaniwang draga na halos aabutin ng isang buwang operasyon para ma-dredge ang katumbas ng isang oras na volume na ito. It’s a game-changer,” anang gobernador.
Walang gagastusin ang pamahalaang panlalawigan sa proyekto, bagkus dadagdagan pa nito ang kita ng lalawigan sa pamamagitan ng revenue sharing sa komersiyal na disposisyon ng mga mahuhukay na materyales mula sa mga ilog upang suportahan ang malalaking reclamation projects.
Isasagawa nang may pangangalaga sa kapaligiran ang mga plano at disenyo ng programa sa pagbuhay ng mga ilog. Ayon sa TCSC Corp., isasagawa ang sistematiko, siyentipiko, at ecologically oriented na pagpapalalim ng heavily silted na mga ilog sa Bulacan para unti-unting bumalik sa normal ang daloy ng tubig mula sa mga tributaries nito. Sa ganitong paraan, inaasahang mararamdaman ng mga residente ang magandang epekto ng proyekto sa buong lalawigan sa darating na tag-ulan. Inaasahang maiibsan ang pagbaha sa mga susunod na taon dahil tuluyan nang naibalik ang carrying capacity ng mga ilog at iba pang daluyan ng tubig.
“Ang ibang dredged materials ay gagamitin din sa pagre-restore sa ating wetland ecosystem na ilalagay sa lugar na hindi magiging sagabal sa daloy ng tubig palabas sa ating mga ilog. Magtatanim po tayo ng mangroves dito upang mapangalagaan ang kalusugan ng ating coastline ecosystem, at bilang biodiversity support as a breeding and feeding ground para sa iba’t ibang klase ng isda at marine species. This agricultural wetland is also proposed to enable solar and wind farming in the near future to provide carbon-free energy expected to cover about 50% of the energy needs of our fast-globalizing province,” dagdag na paliwanag ng gobernador.
Bilang panghuli, nanawagan ang gobernador sa bawat Bulakenyo, mamamayan, at opisyal, na gawin ang kanilang bahagi upang wakasan ang deka-dekadang problema sa malawakang pagbaha sa lalawigan.
“Hindi po tayo titigil hanggang hindi natitiyak ang mga maliwanag at kongkretong hakbang upang mabilisan at permanenteng masolusyonan ang problemang ito. Gusto po nating makatiyak na sa gabay at awa ng Diyos, at sa ating pagkakaisa, ang lalawigan ng Bulacan sa ating panahon ay tuluyan nang lalaya sa napakatagal nang suliraning ito na labis na nagpapahirap sa ating mga kababayan,” aniya.
Tatayo si Fernando bilang tagapangulo ng Inter-Agency Committee, habang ang DENR Region 3 Regional Director ang gaganap bilang pangalawang tagapangulo, at ang Department of Public Works and Highways Region 3, DENR Environmental Management Bureau Region 3, at DENR Mines and Geosciences Bureau Region 3 ang mga miyembro. (MICKA BAUTISTA)