ARESTADO ang limang indibiduwal na pawang lumabag sa batas sa inilatag na kampanya ng mga awtoridad laban sa kriminalidad sa lalawigan ng Bulacan hanggang Linggo ng umaga, 28 Abril.
Sa mga ulat na ipinadala kay P/Col. Relly Arnedo, provincial director ng Bulacan PPO, ikinasa ang isang drug-sting operation ng Station Drug Enforcement Unit ng Malolos CPS at Bocaue MPS na ikinadakip ng tatlong hinihinalang tulak.
Nakompiska ang walong sachet ng pinaniniwalaang shabu at marked money mula sa mga suspek na nahaharap sa kasong paglabag sa RA 9165 o Comprehensive Dangerous Drugst Act of 2002 na inihahanda para isampa sa korte.
Samantala, inaresto ang isang 37-anyos babae ng tracker team ng Sta. Maria MPS dahil sa paglabag sa BP 22 sa bisa ng warrant of arrest na inisyu ng Pairing Judge ng Marikina City MTC Branch 94.
Kasalukuyang nasa ilalim ng kustodiya ng Sta. Maria MPS ang akusado para sa kaukulang disposisyon.
Gayondin, nadakip sa inilatag na anti-illegal gambling operation ng mga tauhan ng Baliwag CPS, ang isang 22-anyos lalaking suspek na huli sa akto ng ilegal na pangongolekta ng perang taya para sa small-town lottery (STL) sa Brgy. Poblacion, lungsod ng Baliwag.
Walang maipakitang dokumento ang naarestong suspek na nagpapatunay na siya ay awtorisadong STL sales agent kung kaya siya ay tuluyang dinakip ng mga awtoridad. (MICKA BAUTISTA)