SINIBAK sa puwesto ang isang opisyal ng Quezon City Police District (QCPD) matapos siyang akusahan ng ‘sexual harassment’ ng isang policewoman noong Lunes, 22 Abril 2024.
Ang opisyal na may ranggong lieutenant colonel ay inalis sa kanyang puwesto bilang hepe ng isang police unit sa QCPD at inilagay sa floating status habang isinasagawa ang imbestigasyon sa reklamong ‘sexual harassment’ laban sa kaniya.
Nagsampa ng reklamo ang policewoman sa Internal Affairs Service (IAS) laban sa colonel.
Kaugnay nito, kinompirma ni Philippine National Police (PNP) public information officer Col. Jean Fajardo nitong Biyernes na na-relieve na ang opisyal sa kanyang puwesto.
Tumanggi si Fajardo na ibunyag ang iba pang mga detalye, dahil sensitibo ang usapin at para na rin sa kahilingan ng biktima para sa kanyang privacy.
“Bilang respeto doon sa pakiusap no’ng biktima ay nakiusap siya na huwag nang i-discuss ‘yung kaso,” dagdag ni Fajardo sa news briefing sa Camp Crame. (ALMAR DANGUILAN)