MATAPOS ang mahigit 90 araw mula nang makompleto ang mga hakbang sa pagkontrol sa sakit, idineklara ni Department of Agriculture (DA) Secretary Francisco Tiu Laurel, Jr., ang lalawigan ng Bulacan bilang Avian Influenza-Free Province sa pamamagitan ng Memorandum Circular No. 14, Series of 2024, kasunod ng 10 kompirmadong kaso ng Highly Pathogenic Avian Influenza (HPAI) Subtype H5N1 sa lalawigan na naitala sa pagitan ng Enero 2022 hanggang Pebrero 2023.
Napag-alamang ang HPAI ay dati nang nakita sa lungsod ng Baliwag at mga bayan ng San Rafael, San Ildefonso, San Miguel, Sta. Maria, at Pulilan na nakaapekto sa kanilang mga poultry farm kabilang ang mga itik, pugo, mga native na manok, chicken layers, broiler breeders, at gamefowl.
Sa pamamagitan ng sama-samang pagsisikap ng pamahalaang panlalawigan ng Bulacan, DA Regional Field Office III, at Bureau of Animal Industry, nakamit ng lalawigan ang avian influenza-free status sa pamamagitan ng mga pagsisiyasat sa sakit, kaagad na pag-depopulate ng mga apektadong lugar, pagsasagawa ng masusing paglilinis at mga pamamaraan ng pagdisimpekta, pagpapatupad ng mga paghihigpit sa paggalaw, at pagpapatupad ng mga hakbang sa pagsubaybay alinsunod sa mga alituntunin ng Avian Influenza Protection Program (AIPP) na patuloy sa pagsubaybay sa sakit sa 1-km. at 7-km.
Ang mga surveillance zone na nakapalibot sa mga apektadong bukid ay nagbunga ng mga negatibong resulta ng pagsusuri para sa influenza type A virus.
Kaugnay nito, pinaalalahanan ni Gob. Daniel Fernando ang mga nag-aalaga ng manok na laging sundin ang biosecurity protocols at isulong ang wastong paglilinis at pagdidisimpekta ng mga kagamitan at paligid ng kani-kanilang mga sakahan.
“Manatili tayong mapagbantay at patuloy na unahin ang kalusugan at kaligtasan ng ating poultry industry. Agad na ipaalam sa lokal na pangangasiwa ng ahensiya ng agrikultura kapag mayroong mga sintomas ng sakit sa inyong manok o iba pang mga hayop. Ang maagap na pagkilos ay makatutulong upang mapigilan ang pagkalat ng sakit,” dagdag ng gobernador. (MICKA BAUTISTA)