HINDI na nagawang makatakas ng tatlong indibiduwal nang dakpin matapos mahuli sa aktong nagsasabong sa tupadahan sa Brgy. Sta. Cruz, bayan ng Sta. Maria, lalawigan ng Bulacan, nitong Linggo ng umaga, 28 Abril.
Sa ulat mula kay P/Col. Relly Arnedo, provincial director ng Bulacan PPO, ipinadala kay PRO3 Director B/Gen. Jose Hidalgo, Jr., kinilala ang mga nadakip na suspek na sina Giovane Montesa, 49 anyos; Virgilio Ignacio, 41 anyos; at Jim Boy Galupo, 22 anyos, kapwa mga residente sa Brgy. Manggahan, sa nabanggit na bayan.
Sa imbestigasyon, dakong 10:30 am, nakatanggap ng isang tawag sa telepono ang Sta. Maria MPS mula sa isang concerned citizen at iniulat na may nagaganap na tupada sa housing project sa nabanggit na barangay.
Nang matanggap ang impormasyon, agad nagtungo ang mga elemento ng Sta. Maria MPS sa lugar upang kompirmahin ang ulat.
Nang maramdaman ng halos 30 kalalakihan ang presensiya ng mga nagrespondeng tauhan ng Sta. Maria MPS, nagpulasan ng takbo patungo sa iba’t ibang direksiyon upang makaiwas sa pag-aresto.
Hindi na nakatakas ang tatlong suspek na nakompiskahan ng isang buhay na manok na panabong, isang patay na manok na panabong, isang pirasong tari na may berdeng lagayan at perang taya na nagkakahalaga ng P2,200 sa iba’t ibang denominasyon.
Isinailalim ang mga nakuhang piraso ng ebidensiya sa kustodiya ng Sta. Maria MPS para sa kaukulang disposisyon habang inihahanda na ang reklamong paglabag sa PD 449 Illegal Cockfighting (Tupada) laban sa mga naarestong suspek na isasampa sa Office of Provincial Prosecutor, sa lungsod ng Malolos. (MICKA BAUTISTA)