WALA nang buhay nang matagpuan ang katawan ng isang estudyante na palutang-lutang sa ilog sa bayan ng Bocaue, lalawigan ng Bulacan, nitong Miyerkoles, 24 Abril.
Sa ulat mula kay P/Lt. Col. Manuel C. De Vera, Jr., hepe ng Bocaue MPS, kinilala ang biktimang si Carlisle Abraham Rivera, 18 anyos, senior high school student sa Dr. Yanga Elementary School, at kasalukuyang naninirahan sa Brgy. Batia, sa nabanggit na bayan.
Ayon sa inisyal na pagsisiyasat ng mga tauhan ng Bocaue MPS, bandang 5:00 am kamakalawa, isang bag ang natuklasan ng duty guard ng Dr. Yanga Elementary School na matatagpuan sa McArthur Highway, Brgy. Biñang 2nd.
Nadiskubre ang isang suicice note sa kanilang pag-iinspeksiyon sa bag ng biktima.
Nang iniulat ito sa faculty ng paaralan, sinimulan nilang suriin ang naka-install na CCTV ng paaralan, kung saan huling nakita ang biktima sa harap ng gate ng paaralan saka pumasok at inilagay ang shoulder bag sa loob ng gate.
Pagkatapos noon, nakita siyang naglalakad na pabalik-balik ng kung ilang beses sa nasabing gate saka nawala sa harap ng camera.
Dahil sa nakaaalarmang kilos ng biktima, iniulat ng mga tauhan ng paaralan ang insidente sa pamilya at nang makompirmang wala sa kanilang tirahan, iniulat na sa barangay ang kanyang pagkawala.
Makaraan ang ilang oras na paghahanap, dakong 2:00 pm kamakalawa, natagpuan ang walang buhay na katawan ng biktima na lumulutang sa ilog ng Bocaue.
Patuloy na nagsasagawa ng masusing imbestigasyon ang mga tauhan ng Bocaue MPS hinggil sa nasabing insidente ng sinasabing pagpapatiwakal. (MICKA BAUTISTA)