SHOWBIZ KONEK
ni Maricris Valdez Nicasio
TIYAK na maraming Pinoy ang mae-excite dahil bibisita sa Pilipinas ang isa sa naging bida sa Train to Busan, ang Korean-American na si Ma Dong-seok. Dadalhin siya ni dating Ilocos Sur Governor Luis “Chavit” Singson para ipasyal sa Maynila.
Nasa Korea ngayon si Manong Chavit kasama ang boxing legend na si Manny Pacquiao para makipag-usap sa ilang business associates at Korean superstars.
Isa na nga sa nakausap at nakasama nila si Ma Dong-seok. Kasama rin nilang naka-bonding sina Lee Seung-gi at Nancy McDonie ng Momoland.
Ayon kay Singson, inimbitahan niya si Ma Dong-seok para ipasyal sa naggagandahang lugar sa Maynila at siyempre pa para pag-usapan ang ilang negosyong pagsasamahan nila.
Naniniwala si Singson na magiging maganda ang epekto ng pagtungo ng Korean-American Superstar sa Pilipinas na ikatutuwa ng mga Pinoy.
Isa sa proyektong sasamahan ni Singson ay ang pagsasagawa ng Vagabond 2 na pinagbibidahan ni Lee Seung-gi na nabanggit na kamakailan na kukunan ang maraming tagpo sa Pilipinas.
Nakikipag-usap din ang LCS Group na pinamumunuan ni Singson sa ilang mga negosyante sa Korea para sa mga negosyong bubuksan sa Pilipinas na ang magbebenepisyo siyempre ay ang mga Pinoy.
Isa sa negosyong ito ay ang paggawa ng mga kosmetiko. Nakipag-usap sina Singson at Pacquiao kasama si Incheon Mayor Yoo Jeong-bok para sa kanilang partnership.
“Ang mga produktong pampaganda ng Korea ay napakahusay at sikat sa Pilipinas,” ani Singson.
Nakipagkita rin si Gov Singson sa kanyang mga kasosyo na tutulong sa pagbibigay ng mga electric jeepney sa Pilipinas.
“The major purpose of our trip here is about (bringing in) electric vehicles to the Philippines,” sabi ni Singson tungkol sa kasalukuyang sitwasyon sa Pilipinas. Ito ay para sa modernisasyon ng pampublikong transportasyon tulad ng mga jeepney sa Maynila.
Naniniwala ni Singson na ang Korea ang perpektong kasosyo sa negosyo para sa Pilipinas, dahil ang dalawang bansa ay malapit sa isa’t isa at may magkatulad na kultura.