BINUWAG ng mga ahente ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) ang isang makeshift drug den saka inaresto ang apat na indibiduwal kabilang ang maintainer sa ikinasang buybust operation sa lungsod ng Mabalacat City, lalawigan ng Pampanga nitong Miyerkoles ng gabi, 24 Abril.
Kinilala ng PDEA team leader ang mga suspek na sina Oliver Ventura alyas Berong, 43 anyos; Mark Anthony Ventura, 38 anyos; Rovilma Truadio, alyas Vilma, 46 anyos; at Rosetth Dimarucut, alyas Setset, 28 anyas, pawang mga residente ng Brgy. Mawaque Resettlement, Sapang Biabas, sa nabanggit na lungsod.
Ayon sa team leader ng PDEA mula sa Aurora at Pampanga Provincial Offices, target ng operasyon ang drug den maintainer na si Ventura, na tatlong linggo nang naka-surveillance kasunod ng mga ulat mula sa isang confidential informant.
Nakompiska sa operasyon ang may kabuuang walong piraso ng sachet ng hinihinalang shabu na may timbang na 15 gramo at tintayang nagkakahalaga ng P103,500; sari-saring mga gamit sa droga; at buybust money.
Kasalukuyan nang inihahanda ang mga kasong paglabag sa RA 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002 na isasampa laban sa mga nadakip na suspek. (MICKA BAUTISTA)