ALAM MO NA!
ni Nonie Nicasio
NATAPOS na ang shooting ng pelikulang Die Father, Thy Son na tinatampukan nina JC Santos, Nonie Buencamino, Shamaine Buencamino, James Clarence Fajardo, Quinn Carrillo, Yana Sonoda, at iba pa.
Masasabing comeback movie ito ni Yana, na dating AQ Prime artist. Dito’y marami rin siyang nagawang pelikula, kabilang ang Peyri Teyl ni direk Joel Lamangan at ang Ligalig na pinagbibidahan ng National Artist for Film na Nora Aunor. Tampok din dito sina Allen Dizon, Winwyn Marquez, at iba pa.
Sa mga nabanggit ng pelikula ay Yana Fuentes pa ang screen name na gamit niya.
Anyway, si Yana ay isang Pinay-Japanese na nagtapos ng kursong International Business Law sa Tokyo. Siya ay isang model at beauty queen sa Japan, na naging Miss Universe Japan- 2nd runner up.
Sa Die Father, Thy Son ng 3:16 Media Network ni Ms. Len Carrillo at mula sa pamamahala ni Direk Sid Pascua, aminado ang aktres na kinabahan siya nang todo dahil matagal na nabakante sa pagharap sa camera.
Kuwento ni Yana, “Hindi ako naka-arte for more than a year and honestly, kinabahan po akong umarte ulit sa harap ng camera, but JC was really nice and taught me a lot about acting.
“Yes! Sobra akong kinabahan sa mga eksena namin ni JC, since I knew his movies and napapanood ko siya rati pa. Plus, alam naman nating lahat kung gaano siya kagaling na artista, at nanalo siyang Best Supporting Actor sa nagdaang MMFF, so I was really shaking before our scenes.”
Nabanggit pa ni Yana kung gaano ka-supportive na co-actor si JC.
“Napaka-supportive po, kahit off cam he would give advice that I really needed.
“I said I wanted advice and after that nagbigay na siya ng advice and what I should do in front of the camera. I realized na hindi lang talaga acting ang ginagawa sa harap ng camera, but you should also know how to move and project your face.”
Pahabol pa niya, “Plus, si JC po, bukod sa napaka-supportive, sobrang professional po niya talaga.”
Ano ang kanyang role sa movie at ano ang takbo ng story?
“Ang pangalan ko po rito ay si Ana, kapatid ng ex girlfriend ni Mike (JC) na mag-aalaga sa anak nila na si Liam (James Clarence).
“Ano takbo ng story? Isa siyang story na about sa buhay nila Mike at Liam. Si Mike ay isang OFW na matagal nang hindi nakakauwi sa ‘Pinas. Malalaman niya lang na may anak siya noong umuwi siya after 10 years. Doon lang mag-i-start bale ang kuwento.
“I’m sure kapag napanood nyo po ito, malalaman nyo ang maraming revelations sa movie.”
May love scene ba sila rito ni JC?
Tumawa muna si Yana bago sumagot, “Wala po, hahaha! Parang kuya ko siya rito… so mayroong mga scenes na “hindi tayo puwede” kind of look… mga ganoon po. Pero wala po kaming love relationship dito.”
Ito ang first film niya kay Ms. Len bilang manager niya. Ano ang balak ni Ms. Len sa kanya?
“Yes po, ito po ang first film ko kay Nanay Len. Marami po siyang plano sa akin pero ngayon ay focus daw po muna ako sa pageant ko soon sa Japan,” sambit pa ni Yana.
Sa May 5 ay muling sasabak si Yana sa beauty pageant na Miss Supranational sa Japan, kaya pinaghahandaan na niya ito ngayon.