NAGSAGAWA ang Bulacan police ng sunod-sunod na operasyon na nagresulta sa pagkakakompiska ng ilegal na droga na nagkakahalaga ng P127,000 at pagkaaresto sa isang most wanted person, ilang drug dealers, at mga lumabag sa batas mula kamakalawa hanggang kahapon ng umaga, 23 Abril 2024.
Sa mga ulat na ipinadala kay P/Col. Relly B. Arnedo, provincial director ng Bulacan PPO, ang tracker team mula sa San Jose Del Monte CPS, kasama ang 301st Maneuver Coy, RMFB 3, ay naghain ng warrant of arrest laban kay Recardo Bernardo, nakatala bilang most wanted person sa City Level ng SJDM City, dahil sa kasong paglabag sa RA 9165 (2 counts), na inisyu ng Regional Trial Court (RTC) Branch 77, CSJDM, Bulacan.
Kasunod nito, 10 indibiduwal na wanted sa iba’t ibang krimen at paglabag sa batas ang inaresto ng intelligence operatives ng Obando, SJDM, Meycauayan, Marilao, Norzagaray, Plaridel, at Malolos C/MPS.
Ang lahat ng naarestong kriminal ay kasalukuyang nasa kustodiya ng mga arresting unit o estasyon para sa tamang disposisyon.
Samantala, sa isinagawang drug sting operation ng mga operatiba ng SJDM CPS sa Brgy. Muzon South, SJDM City, Bulacan, ay nakompiska mula sa dalawang drug suspect na kinilalang sina alyas Negneg at alyas Francis ang hinihinalang shabu na may Standard Drug Price (SDP) na P88,400, tumitimbang ng hindi kukulangin sa 13 gramo.
Bukod dito, siyam na mga durugista ang nahuli sa magkakasunod na drug-bust operations na isinagawa ng Bulakan, Baliwag City, Meycauayan, San Miguel, Hagonoy, at SJDM C/MPS.
Ang mga operasyong ito ay nagresulta sa pagkakakompiska ng 25 sachets ng hinihinalang shabu at tatlong sachets ng hinihinalang marijuana na may kabuuang halaga na P38,772 at marked money.
Dinala sa Bulacan Provincial Forensic Unit (PFU) ang mga nakompiskang ebidensiya para sa kaukulang pagsusuri, habang ang mga reklamong kriminal gaya ng paglabag sa RA 9165 laban sa mga suspek ay inihanda na para sa isampa sa korte.
Nagsagawa ng search warrant ang mga tauhan ng Marilao MPS sa tirahan ni alyas Kim sa Sotayco Compound, Brgy. Sta. Rosa 1, Marilao, na inisyu ng Executive Judge, Municipal Trial Court, Branch 16, City of Malolos, Bulacan.
Ang operasyon ay naglalayong tugunan ang mga paglabag sa batas ukol sa baril, na nagresulta sa pagkakakompiska ng isang kalibre 38 revolver na may tatlong bala.
Inilagak ang mga nakompiska sa Bulacan Provincial Forensic Unit para sa ballistic examinations, habang ang mga reklamong kriminal laban sa akusado ay inihain sa hukuman para sa karagdagang aksiyong legal. (MICKA BAUTISTA)