MAHIGIT 200 loose firearms ang boluntaryong isinuko ng mga may-ari ng baril sa mga awtoridad sa mahigpit na isinagawang “Oplan Katok” sa buong Central Luzon mula 19 Marso hanggang 19 Abril.
Pahayag ni PRO3 Director P/BGen. Jose Hidalgo, Jr., ang “Oplan Katok” ay isang programa ng Philippine National Police na nagbabahay-bahay ang mga awtoridad upang bisitahin ang mga may hawak ng baril na hindi pa nakapag-renew ng kanilang lisensiya.
Layunin ng kampanya na himukin ang mga nagmamay-ari ng baril na mag-renew ng kanilang mga permit sa baril o itago ang kanilang mga baril sa mga vault ng pulisya para sa pag-iingat.
Kaugnay nito, sinabi ni P/BGen. Hidalgo na matagumpay na nagbunga ang operasyon ng PRO3 na “Oplan Katok” sa pag-iingat ng iba’t ibang kalibre ng baril.
“Nawa’y ipaalala sa atin ng mga bilang na ito na ang pagmamay-ari o pagkakaroon ng baril ay may pananagutan at ang bawat may hawak ng baril ay mananagot at responsable na sundin ang mga probisyon ng batas,” dagdag na pahayag ni P/BGen. Hidalgo. (MICKA BAUTISTA)