TINATAYANG aabot sa P602,400 halaga ng high-grade marijuana o tsongki at cannabis oil ang nasamsam sa isinagawang anti-criminality operations ng pulisya sa Bulacan kamakalawa.
Sa ulat na ipinadala kay P/Col. Relly B. Arnedo, provincial director ng Bulacan PPO, nakasaad na dakong 11:40 pm, ang mga tauhan ng San Miguel Municipal Police Station (MPS) ay nagkasa ng matagumpay na drug sting operation sa Brgy. Partida, San Miguel, Bulacan.
Napag-alamang ang operasyon ay isinagawa batay sa impormasyong nanggagaling ang mga marijuana at cannabis oil na ginagamit ng mga durugista mula pa sa iba’t ibang bayan.
Sa operasyon, natiyempohan ng mga awtoridad ang tatlong suspek na bumabatak at nakompiska sa kanila ang dalawang piraso ng selyadong pakete na naglalaman ng high grade marijuana, limang piraso ng disposable vape na naglalaman ng cannabis oil, isang piraso ng black box ng disposable vape na naglalaman ng cannabis oil, tatlong piraso ng blue box ng disposable vape na naglalaman din ng cannabis oil na tinatayang may Standard Drug Price (SDP) P602,400, dalawang pirasong black belt at markadong pera sa iba’t ibang denominasyon.
Sa hiwalay na buybust operations na ikinasa ng Station Drug Enforcement Unit (SDEU) ng Bocaue at Guiguinto Police MPS, apat na nangangalakal ng ilegal na droga ang naarersto.
Nakompiska sa operasyon ang siyam na pakete ng plastic ng shabu na may Standard Drug Price (SDP) na P31,700, drug paraphernalia at buybust money. (MICKA BAUTISTA)