IDINAOS ng Police Regional Office 3 ang 1st Central Luzon Anti-Illegal Drugs Summit, kalahok ang hindi bababa sa 200 indibiduwal, kahapon, Lunes, 15 Abril 2024.
Pinangunahan ng Department of the Interior and Local Government (DILG) 3 sa pamumuno ni Atty. Anthony Nuyda ang summit na naglalayong mapanatili ang sama-samang pagsisikap na patuloy na labanan ang ilegal na droga at itulak ang pinakamataas na kamalayan ng komunidad sa kagayang krisis.
Sinabi ni P/BGen. Jose S. Hidalgo, Jr., regional director ng PRO3, dumalo sa kalahating araw na summit ang mga pangunahing opisyal ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) 3, Department of Health (DOH) 3, Department of Justice (DOJ) 3 at mga municipal at barangay officials mula sa iba’t ibang probinsiya sa buong rehiyon.
Ayon kay P/BGen. Hidalgo, Jr., napapanahon ang summit dahil ang kampanya laban sa ilegal na droga ay isa sa mga pangunahing prayoridad na programa ng pinuno ng PNP na si P/Gen. Rommel Francisco D. Marbil.
Sinasabing patuloy ang pagsulong ng PRO3 sa kampanya nito laban sa ilegal na droga habang ang mga pulis ng Central Luzon ay nananatiling nakatuon na pigilan ang paglaganap ng ilegal na droga sa rehiyon. (MICKA BAUTISTA)