HALOS mapuno ang mga piitan sa Bulacan matapos maaresto ng pulisya ang 25 durugistang tulak sa isinagawang sunod-sunod na operasyon ng pulisya sa lalawigan hanggang kahapon,15 Abril 2024.
Sa ulat na isinumite kay P/Col. Relly B. Arnedo, provincial director ng Bulacan PPO, unang nagkasa ng matagumpay na drug sting operation ang Station Drug Enforcement Unit (SDEU) ng San Jose Del Monte City Police Station (CPS) na nagresulta sa pagkaaresto ng anim na durugista sa Cadiz Road, Brgy. Yakal, Francisco Homes, City of San Jose Del Monte, Bulacan.
Nakompiska sa mga suspek ang 13 sachets ng hinihinalang shabu, na tumitimbang ng 60 gramo at may Standard Drug Price (SDP) na P408,000 kasama ang marked money.
Samantala, sa sumunod na magkahiwalay na buybust operations na isinagawa ng Station Drug Enforcement Unit (SDEU) ng San Ildefonso, Pandi, Hagonoy, Meycauayan, at San Jose Del Monte C/MPS ay 19 nagbebenta ng droga ang naaresto.
Nasamsam sa mga inilatag na operasyon ang 27 plastic sachets ng hinihinalang shabu na may Standard Drug Price (SDP) P138,276, assorted drug paraphernalia, at buybust money.
Dinala sa Bulacan Provincial Forensic Unit ang mga nakompiskang ebidensiya para sa kaukulang pagsusuri, habang mga reklamong kriminal sa paglabag sa RA 9165 laban sa mga suspek ang inihahanda para sa pagsasampa ng kaso sa korte. (MICKA BAUTISTA)