ALAM MO NA!
ni Nonie Nicasio
PANOORIN ang kuwento ng isang babaeng gustong magbagong-buhay sa bagong lugar pero pilit na sinusundan ng problema at ng kanyang nakaraan.
Ito ang makikita sa pelikulang “Dayo” na story at sa direksiyon ni Sid Pascua at sa screenplay ni Quinn Carrillo.
Si Rica Gonzales ay gumaganap bilang si Elsa, dancer sa isang club sa Manila na pinamumugaran ng mga bastos at korap na kalalakihan.
Dahil sa uri ng kanyang trabaho ay tinalikuran siya ng kanyang pamilya. Ito ang nagtulak sa kanya upang iwan ang lahat at dumayo sa probinsiya.
Sa La Union napadpad si Elsa, dahil nandoon ang kanyang best friend na si Kakai (Audrey Avila). Dito, walang nakakaalam ng kanyang pinanggalingan at walang huhusga sa kanya.
Ramdam niya na siya ay malaya. Wala sa isip niya ang pag-ibig, pero hindi malayong mangyari ito.
Si Calvin Reyes ay si Eddy, tricycle driver. Siya ang unang lalaking magpaparamdam ng pagmamahal kay Elsa. Hindi siya tinatrato ni Eddy na babaeng bayaran, kundi isang babaeng marangal at nirerespeto.
Sa piling ni Eddy, naging tahanan na ang La Union para sa dalaga.
Pero laging may hahadlang sa kaligayahan ni Elsa. Masasangkot si Eddy sa illegal na bagay. Sa kasamaang palad, ito rin ang magdadala kay Elsa sa taong tinakasan niya mula sa kanyang nakaraan.
Mayroon pa bang lugar na puwedeng makasama ni Elsa si Eddy nang mapayapa?
Nagkuwento ang lead actress hinggil sa kanilang pelikula, “Ako po rito si Elsa, dating dancer sa club sa Manila na dahil sa bff kong si Kakai (Audrey), in-encourage niya akong tumira sa La Union para magbagong buhay.
“Bale, parang dancer-prosti po kami at nauna po siyang mag-retire sa work namin po sa club, hanggang sa inaya niya po ako na mamuhay na rin sa La Union.”
Pagpapatuloy pa ni Rica, “Eto pong Dayo kasi, to be honest po, ito po iyong pinakanagustuhan kong movie ko sa lahat ng ginawa ko po. Kasi rito sa Dayo, makikita nyo po talaga iyong istorya. Kumbaga ay may patutunguhan po and marami pong makaka-relate sa istorya ni Elsa.
“Lalo na po sa love scenes, kasi ay kakaiba po ang paggawa ng love scenes nito. Hindi po siya yung typical na love scenes na napapanood natin sa Vivamax. Kumbaga, para po siyang love story e, makikita nyo po rito yung pagiging passionate sa paggawa po ng mga eksena.
“Dito po kasi, malaki po ang difference ng love scenes na mapapanood, compared sa past na nagawa ko pong movie.
“Kumbaga, iyon pong mga shots kasi, iyon ang pinaka-ano… and iyong mga (sexual) positions na ginawa namin at yung mismong paggawa po namin ng eksena, yun po ang kakaiba sa mga napapanood natin sa Vivamax.”
“Pero pinaka-favorite ko po roon, yung love scene namin sa cliff o sa bangin,” nakatawang pahabol pa ni Rica.
Hatid ng Viva Films and 3:16 Media Network ni Ms. Len Carrillo, kaabang-abang sa Dayo ang matitindi at kakaibang love scenes ng mga bituin nito.
Bukod kina Rica, Calvin, at Audrey, kasama rin sa Dayo sina Marco Gomez, Nathan Rojas, Sue Prado, at AJ Oteyza.
Ang “Dayo” ay mapapanood sa Vivamax simula April 19, 2024.
Punta na sa web.vivamax.net. Maaari ring mai-download ang app at mag-subscribe sa Google Play Store, App Store, at Huawei App Gallery.