INIHAYAG ng pamahalaang lungsod ng Las Piñas na handang-handa nilang tugunan ang mga pasaherong maaapektohan ng nakaambang tigil pasada na isasagawa ng PISTON at Manibela ngayong araw ng Lunes at bukas, Martes.
Ayon sa lokal na pamahalaan, naka-standby na ang mga sasakyan ng lungsod at handa itong ideploy agad para sa pagpapatupad ng libreng sakay kung kakailanganin.
Sa sitwasyon sa Las Piñas tuwing may transport strike ay marami pa rin mga pampasaherong jeepney at bus na bumibiyahe.
Samantala ang electric tricycle (e-trike) at electric bicycle (e-bike) sa pangunahing kalsada ay talagang ipinagbabawal ngunit inilinaw ng lokal na pamahalaan na hindi pa ito kabuuang ipinapatupad sa lungsod.
Sa ngayon, patuloy na pinaaalalahanan ang publiko na bawal ang e-trike at e-bike sa Alabang-Zapote Road.
“We are on the stage of reminding the public muna, hindi mabibigla ang pag-i-implement, lalo na, may strike na nakaamba.”
Nag-isyu rin ang Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) ng regulasyon ukol dito at wala pang lugar sa Las Piñas ang kasama.
Ngunit kung maglalabas ang ahensiya ng panibagong listahan ng mga lugar na ipagbabawal ang e-trike at e-bike, at kung mayroong kalsada o lugar ng lungsod na mapabilang dito ay estriktong susundin ito ng lokal na pamahalaan.