TULOY ang pagtuklas sa mga bagong talento sa isasagawang National Capital Region (NCR) One For All – All For One Swim Series Leg 3 ng Congress of Philippine Aquatics (COPA) sa Linggo, 14 Abril sa Teofilo Yldefonso Swimming pool sa loob ng Rizal Memorial Sports Complex sa Malate, Maynila.
Sa pagtataguyod ng Speedo Philippines, Philippine Sports Commission (PSC) at basbas ng Philippine Aquatics, Inc. (PAI), tampok ang pinakamatitikas na junior swimmers at inspiradong novice athletes sa torneo na bahagi ng malawakang programa sa grassroots level ng COPA na pinamumunuan ng swimming icon at Batangas 1st District Congressman Eric Buhain.
Ayon kay tournament director Chito Rivera, pangulo rin ng Samahang Manlalangoy sa Pilipinas (SMP), bukas ang kompetisyon sa lahat ng batang swimmers maging anoman ang swimming club o organisasyon na kinaaaniban.
“Since Day 1 nang kilalanin ng Philippine Olympic Committee at ng World Aquatics ang PAI bilang lehitimong swimming association sa bansa, inclusivity at hindi na exclusivity ang isinusulong na programa ng PAI at kaanib kami sa pagsusulong ng pagbabago sa swimming community,” pahayag ni Rivera.
Iginiit ni Rivera, ang torneo ay bahagi rin sa paghahanda ng mga swimmers para sa isasagawang National try-outs ng PAI para sa bubuuing koponan na isasabak sa Southeast Asian Age Group Championship na nakatakda sa Disyembre sa Bangkok, Thailand.
Aniya, libreng makalalahok sa torneo ang mga estudyante mula sa mga pampublikong eskuwelahan at walang regular na kinaaanibang swimming club.
“Magdala lang sila ng mga katibayan na enroll sila sa eskwelahan, libre ang kanilang participation fee,” ayon kay Rivera na siya ring Executive Director ng PAI.
Ang mga kategorya sa kompetisyon at 6-under, 7,8,9,10,11,12,13,14,15,16,17 at 18-over. (HATAW News Team)