SHOWBIZ KONEK
ni Maricris Valdez Nicasio
TINAGURIANG Batanes of the East at may Siargao vibes ang Dingalan, Aurora na siyang nakita rin namin noong magkaroon ng Outreach program ang Society of Philippine Entertainment Editors (SPEEd) kamakailan sa mga Dumagat.
Kaya hindi mo na kailangang sumakay pa ng eroplano para marating ang Batanes at Siargao dahil sa ilang oras na paglalakbay, mararating na ito sa pamamagitan ng Dingalan, Aurora.
Nagkaroon kami ng pagkakataong mapasyalan ang ilang lugar na ipinagmamalaki ng Dingalan, Aurora at talaga namang dapat siyang ipagmalaki dahil tunay na napakaganda. Hindi rin kami nagtataka na roon pala nag-taping ang Descendants of the Sun ni Dingdong Dantes.
Sa pakikipag-usap namin kay Mayor Sherwin Taay, naikuwento nitong limang araw nag-shoot at nanatili ang cast at crew sa kanilang probinsiya. Sayang nga lamang at hindi iyon nagtagal dahil sa pandemic.
Magkaibigan pala sina Dingdong at Mayor Sherwin dahil ninong ang aktor ng anak ni mayor. At nagkasama sila sa National Youth Commission.
Anyway, na-enjoy namin ang pamamasyal sa dalawang falls ng Dingalan na literal na ilang ilog ang tinawid namin para makarating doon gamit ang sasakyang tinatawag nilang kuliglig. Dinala kami sa Laktas at Abunga falls na super linaw at lamig ng tubig at talaga namang habang binabagtas ang ilog patungo sa mga falls, mabibighani ka at talagang mapapa-wow! sa ganda ng mga dinadaanan.
Dito iyong Siargao vibes na mapi-feel patungong falls. Virgin at hindi pa talaga masyadong develop ang lugar na siyang nakadagdag sa ganda ng mga waterfalls.
Breath taking din ang Grotto na overlooking ng Dingalan Bay, ang tinatawag nilang Batanes of the East at ang Marlboro Hills sa Umiray, Dingalan. Talaga namang super ganda.
Napag-alaman din namin mula sa pakikipag-usap sa mayor ng Dingalan ng mahigpit sila sa pangangalaga sa kapaligiran dahil ipinagbabawal nila ang plastic, magkalat, magsunog, at ang pagkuha ng corals.
May project din si Mayor Sherwin na pagpapalit ng basura sa bigas. Ito ‘yung maaaring ipalit ng bigas ang mga naipong eco-brick bottle. Kaya masipag ang mga residente roon na pulutin ang mga plastic bottles na naiiwan ng mga turista para hindi makarating sa napakaganda nilang dagat.
Sinabi naman ni Ms. Emily Mercado Grey, presidente ng Hotel and Resort Association of Dingalan, umabot sa 1 million ang turista ng kanilang bayan.
Ilan naman sa ipinagmamalaking produkto ng Dingalan ay ang Tuna at Banana chips.