ni ROMMEL SALES
NABULABOG ang ‘sleeping citizens’ sa Navotas City dahil sa tatlong-oras na brownout resulta ng pag-akyat sa poste ng koryente ng nagmamaktol na mister dahil inayawan siya ng kanyang misis, kahapon ng madaling araw.
“Gusto ko lang po makausap ang asawa ko, dahil ayaw na yata sa akin.”
Ito rason ni alyas Arnold, 39 anyos, taga-Naic, Cavite, nang arestohin ng mga awtoridad dahil sa pambubulabog sa mga natutulog na residente sa isang barangay nang mawalan ng power supply sa loob ng tatlong oras dahil umakyat siya sa tuktok ng poste ng koryente sa Navotas City, kahapon ng madaling araw.
Ayon kay Navotas police chief P/Col. Mario Cortes, unang iniulat sa kanila ang pagwawala ng suspek na si alyas Arnold, ngunit nang respondehan ng kanyang mga tauhan, umakyat ang lalaki sa tuktok ng poste ng koryente sa tapat ng Navotas City Hall sa M. Naval St., Brgy. Sipac Almacin, dakong 2:30 ng madaling araw.
Dahil dito, napilitan ang Meralco na pansamantalang putulin ang supply ng koryente sa naturang lugar para bigyang daan ang rescue team sa gagawin nilang pagliligtas sa lalaki.
Ilang oras na pinakiusapan ng rescue team ang lalaki na bumaba sa poste ngunit pilit na tumatanggi at hiniling na makausap ang kanyang asawa.
Dakong 5:06 am nang matagumpay na naibaba ng mga rescuer ang lalaki sa tulong ng dalawang boom truck na kanilang sinakyan kasunod ng pagbabalik ng supply ng koryente dakong 5:19 am.
Ayon kina P/SSgt. Allan Navata at P/SSgt. Levi Salazar, kasong Alarm and Scandal ang isasampa nila laban sa suspek sa Navotas City Prosecutor’s Office.