MATAGUMPAY na naaresto ng mga awtoridad ang tatlong suspek na sangkot sa pagkidnap sa isang 13-anyos Grade 7 student mula sa Hagonoy, Bulacan, 24 oras matapos maiulat ang insidente.
Lumalabas sa inisyal na imbestigasyon na noong gabi ng 4 Abril 2024, ang ama ng biktima na isang lokal na negosyante, ay nag-ulat sa Hagonoy MPS na ang kanyang anak ay umalis sa kanilang tirahan bandang 3:00 pm, upang bisitahin ang isang kaklase ngunit hindi na bumalik.
Kinagabihan, nakatanggap siya ng nakababahalang tawag sa telepono mula sa hindi kilalang indibiduwal na humihingi ng ransom na P3 milyon para sa paglaya ng anak.
Kasunod ng ulat, bandang 10:40 pm nitong 5 Abril 2024 ang magkasanib na puwersa mula sa PIU Bulacan sa pangunguna ni P/Lt. Col. Jesus Manalo, Jr., ang Anti-Kidnapping Group Luzon Field Unit, sa ilalim ni P/Lt. Col. Rossel Cejas, at Hagonoy MPS, sa pamumuno ni P/Lt. Col. Aldrin Thompson ay naglunsad ng operasyon upang matugunan kaagad ang sitwasyon.
Lumalabas sa karagdagang imbestigasyon na ang biktima ay pinilit ng kanyang ina at ng mga kasabwat na magsagawa ng kidnapping bilang bahagi ng paghihiganti laban sa kanyang ama.
Sa ransom handover na nakalap ng mga awtoridad, ang menor de edad ay napag-alamang sinundo ng family driver sa isang fastfood sa Plaridel, Bulacan.
Narekober sa ikinasang operasyon ang P550,000 ransom money at isang itim na Chevrolet SLX, may plakang NEA 5728, mula sa tatlong suspek na kinilalang sina alyas Elmarie, ina ng biktima at mga kasabwat nitong sina alyas Lara at alyas Elmer, kapuwa residente sa Malolos, Bulacan.
Kaunod nito, pinuri ni PRO3 Director P/BGen. Jose Hidalgo, Jr., ang hindi natitinag na dedikasyon at pambihirang pagtutulungan ng pangkat na ipinakita ng operating troops, na binibigyang-diin ang kritikal na papel ng pagtutulungan ng mga ahensiyang nagpapatupad ng batas sa paglaban sa kriminalidad at pagpapanatili ng batas at kaayusan sa rehiyon. (MICKA BAUTISTA)