BILANG bahagi ng pangako ng pamahalaang panlalawigan ng Bulacan sa pagpapalawak ng mga programang rehabilitasyon para sa mga Bulakenyong persons deprived of liberty (PDLs), ang Provincial Civil Security and Jail Management Office sa pangunguna ni P/Col. Rizalino A. Andaya ay nanguna sa paglulunsad ang Bulacan Provincial Jail Sportsfest 2024 na may temang “Programang Pampalakasan, Tungo sa Malusog na Piitan” na ginanap sa BPJ Plaza sa Lungsod ng Malolos, Bulacan.
Ang mga aktibidad sa sportsfest ay gaganapin sa buong buwan ng Abril, kalahok ang siyam na koponan na binubuo ng 10-12 manlalaro para sa Basketball; dalawang koponan na binubuo ng 8-12 manlalaro para sa Men’s Volleyball; apat na koponan na may 8-12 manlalaro para sa Women’s Volleyball; walong manlalaro para sa Class A Billiard at 16 manlalaro para sa Class B Billiard; at 12 indibiduwal ang sasabak para sa chess tournament.
Sa kanyang mensahe sa kick-off ceremony, binigyang diin ni Gobernador Daniel R. Fernando ang adbokasiya ng PGB na “Kapitolyo for Life”, na nagsusulong ng pagpapabuti ng kalidad ng buhay ng bawat Bulakenyo tulad ng mga aktibidad sa palakasan, kaya nagpapahayag ng kanyang pasasalamat sa BPJ at iba pang partner organizations para sa kanilang dedikasyon sa paggabay sa mga PDL tungo sa mas maayos na landas sa pamamagitan ng Community Service Programs at Skills Trainings habang nagsisilbi ng kanilang sentensiya.
“Everybody deserves a second chance, lalo’t higit sa mga taong pursigidong magkaroon ng maayos na pamumuhay. Ipagpatuloy n’yo lang ang inyong magandang nasimulan upang maging mabubuting mamamayan ng ating lalawigan. Patuloy pong susuporta ang inyong lingkod sa inyong pagsisikap na magbago, kaya’t atin pong palalawigin ang holistic approach ng inyong rehabilitasyon, kung saan pangangalagaan natin ang inyong physical, mental, emotional at spiritual wellbeing,” saad ng gobernador.
Binati ni Fernando ang BPJ sa pagtanggap ng komendasyon mula kay Honorable Judge Julie P. Merculito ng RTC Bulacan Branch 12 sa pagpapanatili ng maayos at malinis na pasilidad sa Bulacan Jail.
Bukod dito, ang mga mananalo sa bawat sport event ay makatatanggap ng mga premyong cash at tropeo mula sa PGB. (MICKA BAUTISTA)