INIHAHANDA ng Bureau of Jail Management and Penology (BJMP) ang mga hakbang para maiwasan ang pagkalat ng mga summer disease sa mga jail facility.
Sa ulat, sinabing 600 preso o persons deprived of liberty (PDL) sa mga jail facility sa National Capital Region (NCR) ang tinubuan ng pigsa bunsod ng mainit na temperatura.
Ayon kay BJMP chief Jail Director Ruel Rivera, kabilang sa mga hakbang ang paglalagay ng karagdagang ventilation system sa loob ng mga jail facility.
Aniya, inatasan niya ang mga regional director ng BJMP na makipag-ugnayan sa mga water concessionaries upang matiyak na sapat ang supply ng tubig para sa mga PDL upang maligo nang hindi bababa sa dalawang beses sa isang araw.
Ang mga pigsa at jail rash o rumbo-rumbo ay karaniwang alalahanin sa kalusugan sa mga kulungan, lalo sa panahon ng tag-init.
Sinabi ni BJMP spokesperson Chief Insp. Jayrex Bustinera, hindi nila inaasahan ang mas mataas na bilang ng mga kaso ng pigsa ngayong taon, dahil mas maraming mga kulungan ang halos decongested na.
Aniya, nakapagtala ang bureau ng 4,545 kaso ng pigsa sa mga preso mula Marso hanggang Mayo noong nakaraang taon.
Dagdag niya, ang BJMP ay patuloy na nakikipag-ugnayan sa Department of Health (DOH) at local government units (LGUs) para matiyak ang kalusugan ng mga PDL. (ALMAR DANGUILAN)