NATAMO ng Brgy. Matimbubong, sa bayan ng San Ildefonso, sa lalawigan ng Bulacan ng Best Vegetable Award sa isinagawang Provincial Search for Best Vegetable in Barangay 2023 sa pangunguna ng Provincial Agriculture Office.
Iginawad ang parangal sa ginanap na Flag Ceremony sa Bulacan Capitol Gymnasium, sa lungsod ng Malolos, nitong Lunes, 1 Abril.
Kabilang sa listahan ng mga nagwagi ang Brgy. Kaypian, San Jose Del Monte sa ikalawang puwesto na may cash prize na P25,000; Brgy. Dampol, Plaridel sa ikatlong puwesto; Brgy. Sta. Rosa, Marilao sa ikaapat na puwesto; at Brgy. Tibagan, Bustos sa ikalimang puwesto, na may tig-P5,000 cash prize.
Ayon kay Provincial Agriculturist Ma. Gloria Carrillo, ang mga nanalo ay pinili batay sa mga sumusunod na pamantayan – lupain, pagtatanghal ng hardin, natural na input na ginawa, pagkamalikhain, bilang ng mga kabahayan na pinaglilingkuran, at pag-iingat ng talaan.
Pahayag ni Gob. Daniel Fernando, gumaganap ng mahalagang papel ang pagsisikap sa pagtatanim bilang suporta sa kabuhayan ng mga komunidad.
Inaasahan rin aniya ang patuloy na paglaki at higit na atensiyon sa mga taniman ng gulay sa Bulacan.
“Ang pagtatanim ng ating mga gulay sa Bulacan ay pinagmumulan ng malaking pag-aalala at atensiyon dahil ito ay makatutulong sa pang-araw-araw na kabuhayan ng mga komunidad at makatutulong sa food security sa bansa,” ani Fernando.
Samantala, kinatawan ng Brgy. Matimbubong ang lalawigan sa Regional Search for Best in Barangay Vegetables 2023 at nanalo ng pangalawang puwesto gayondin ang Facebook Favorite Vegetable Garden sa barangay level.
Ang Vegetable Sa Barangay Program ay bahagi ng High Value Crops Development Program ng Department of Agriculture. (MICKA BAUTISTA)