ARESTADO ang 23 indibidwal na pawang may paglabag sa batas sa patuloy na operasyon ng pulisya laban sa kriminilidad hanggang nitong Huwebes, 4 Abril sa iba’t ibang lugar sa lalawigan ng Bulacan.
Sa ulat na isinumite kay P/Col. Relly Arnedo, Provincial Director ng Bulacan PPO, ang epektibong track down operations na inilatag ng mga operatiba ng Calumpit at Pulilan MPS ay humantong sa pagkaaresto sa dalawang indibiduwal na pawang may mga kasong kriminal.
Sa Brgy. Sergio Bayan, nadakip ng mga tauhan ng Calumpit MPS ang suspek na kinilalang si MC Bayan, 37 anyos, sa bisa ng warrant of arrest sa kasong Robbery Extortion na inisyu ng Malolos City RTC Branch 20.
Nadakip ng mga tauhan ng Pulilan MPS sa loob ng BJMP Facility sa Brgy. Peñabatan, ang suspek na kinilalang si DS Condes, sa bisa ng warrant of arrest sa kasong Rape na inisyu ng Malolos City RTC Branch 4, walang inirekomendang piyansa.
Kasunod nito, nasakote ang 10 kataong pinaghahanap ng batas ng tracker team ng San Jose del Monte, San Miguel, Marilao, Hagonoy, Bocaue, Bulakan, at Sta. Maria C/MPS.
Kasalukuyang nasa kustodiya ng kani-kanilang arresting unit ang mga nadakip na suspek para sa kaukulang disposisyon at dokumentasyon.
Gayondin, timbog ang dalawang hinihinalang mga tulak ng ilegal na droga sa magkahiwalay na drug buybust operation ng Station Drug Enforcement Unit (SDEU) ng Plaridel at Angat MPS.
Nakompiska ang kabuuang tatlong sachet ng marijuana na tinatayang nagkakahalaga ng P1,500; 10 sachet ng pinaniniwalang shabu tinatayang nagkakahalaga ng P12,308; at marked money.
Dinala sa Bulacan Provincial Forensic Unit (PFU) ang mga nakompiskang ebidensya para sa kaukulang pagsusuri, habang inihahanda na ang mga kasong paglabag sa RA 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002 laban sa mga suspek.
Arestado rin ang siyam na indibiduwal na huli sa aktong ilegal na nagsusugal sa Brgy. Ibayo, Marilao.
Dinakip ng mga tauhan ng Marilao MPS ang mga suspek na huli sa aktong nag-o-operate ng ilegal na color game, nakompiskahan ng mga kagamitang ginagamit sa pagpapatakbo ng ilegal na sugal, at perang taya sa iba’t ibang denominasyon. (MICKA BAUTISTA)