NAGWAKAS ang matagal na pagtatago sa batas ng isang lalaki na may kasong panggagahasa nang maaresto sa kanyang pinaglulunggaan sa Norzagaray, Bulacan kamakalawa.
Sa ulat na ipinadala ni P/Lt. Col. Lynelle Solomon, hepe ng Norzagaray Municipal Police Station (MPS), kay Police Colonel Relly Arnedo, provincial director ng Bulacan PPO, ang naaresto ay kinilalang si Prince Raven Elumba Ramos, 30, nasakote sa Brgy. Matictic, Norzagaray.
Ipinatupad ng tracker team ng Norzagaray MPS sa pamumuno ni P/Captain Ericson Cruz, deputy chief of police ng Norzagaray MPS katuwang ang PIT Bulacan-East ang pagsisilbi ng warrant of arrest laban sa akusado dakong 10:30 am.
Si Ramos ay napabilang sa most wanted person sa Bulacan dahil sa kinakaharap na kasong Statutory Rape kung saan ang warrant of arrest laban sa kanya ay inilabas ni Judge April Anne Turqueza-Pabellar, Presiding Judge, Family Court Third Judicial Branch 6 Sta. Maria, Bulacan na walang inirekomendang piyansa.
Sa bigat ng kinakaharap na kaso, siya ay nakatala bilang No. 2 most wanted person (MWP) sa provincial level at No.1 MWP sa municipal level ng Bulacan.
Ang akusado ay kasalukuyang nasa ilalim ng kustodiya ng Norzagaray MPS bago siya i-turnover sa korte. (MICKA BAUTISTA)