NAARESTO ng mga awtoridad ng Police Regional Office 3 (PRO3) ang siyam na indibiduwal na nakatala bilang most wanted na pugante sa rehiyon sa loob ng 24 oras na operasyon.
Kinilala ang mga naaresto na sina Rolly Caldeo No. 4 most wanted person (MWP ) sa provincial level ng Pampanga, may kasong Acts of Lasciviousness alinsunod sa RA 7610; Justine Bucao, No. 6 MWP sa provincial level ng Tarlac, lumabag sa Sec. 11 Art. II ng RA 9165; Dionisio Tacdera, No. 7 MWP sa provincial level ng Tarlac, sa kasong Acts of Lasciviousness alinsunod sa Section 5 (B) ng RA 7610); Mary Grace Labrador, No, 1 MWP sa City Level at Top 9 sa Provincial Level ng Bulacan, na may kasong Fraud through Falsification of Public Documents, at Jan Jeric Supan y Acogido na Top 8 MWP sa city level ng Nueva Ecija.
Inilabas rin ang mga warrant of arrest laban kina Arthur Sanguyo, No. 4 MWP sa regional level sa kasong Murder; Noel Padrique, No. 10 MWP sa provincial level ng Zambales, sa kasong Rape by Sexual Assault; John Francis Cunanan, city level MWP sa kasong Murder; at Romel Gomez, municipal level MWP, sa kasong Acts of Lasciviousness.
Bilang karagdagan sa mga pag-arestong ito ay may kabuuang 32 wanted na indibiduwal ang matagumpay na naidetine sa iba’t ibang lokasyon sa rehiyon.
Kaugnay nito, pinuri ni PRO3 Director P/BGeneral Jose S. Hidalgo, Jr., ang pambihirang pagsisikap at hindi natitinag na dedikasyon na ipinakita ng mga tauhan ng PRO3 sa pagdakip sa mga nasabing indibiduwal upang managot sa batas.
Binigyang-diin ni Hidalgo, ang mga pag-aresto ay may malaking kontribusyon sa kaligtasan at seguridad ng publiko, na muling pinagtitibay ang pangako ng PRO3 na itaguyod ang hustisya at panatilihin ang kaayusan sa loob ng rehiyon. (MICKA BAUTISTA)