HARD TALK
ni Pilar Mateo
IKO-CONQUER na kaya ni Ana Jalandoni ang mga manonood ng Japan sa pag-showcase ng pelikula niyang Manipula na nagtampok sa kanila ni Aljur Abrenica?
Naanyayahan ang pelikula sa prestihiyosong Jinseo-Arigato International ngayong May 25-26, 2024 na gaganapin sa Nagoya, Japan. Kaya tuwang-tuwa si Ana na maging bahagi ng nasabing international event.
Si Neal “Buboy” Tan ang nagdirehe nito na kasama sa cast sina Rosanna Roces, Alan Paule Kiko Matos, Marco Alcaraz, Christian Vasquez, Rolando Inocencio, at Mark Manicad.
Ang Manipula ay isang erotic-thriller na umikot sa isang imbestigasyon sa sunod-sunod na krimen na ang paraan ng pagpatay sa kanyang biktima ay ang pagputol ng ari.
And speaking of Japan, sumalang naman si Ana sa isang pelikula na roon kinunan ni direk Njel de Mesa, ang Otoko Oona.
Nihongo term ito na ang ibig sabihin ay lalaki at babae.
Ang kuwento nito ay tungkol sa isang manyak na lalaki na isinumpa na magkatawang babae– para maranasan niya kung paano maging isang babae.
Punompuno ito ng katatawanan dahil na rin sa mahusay na performance ni Ana, na nagsilbi ring co-producer sa pelikula.
May special participation ang “Muse of Philippine Cinema” na si Arci Muñoz sa pelikula bilang isang mangkukulam.
Unang ilulunsad ang official international trailer nito sa Jinseo Arigato International Film Festival sa Nagoya, Japan sa May 25-26, 2024 na magtatampok din sa pelikula nina Ana at Aljur, ang Manipula.
Malaki ang cast ng naturang pelikula, kasama sina Kazuo Nawa, Princess Lerio, Art Orbista at marami pang iba mula sa NDM Studios Japan.
Hindi mabitawan ni Ana ang hilig sa pagganap. Kaya kahit pa sa bansang Hapon ay sumugal siya sa napisil na proyekto sa pakikipagtulungan na rin kay Direk Njel.
Who knows? Baka sa susunod, nominasyon na sa kanyang pagganap ang maranasan ni Ana sa Land of the Rising Sun!