ALAM MO NA!
ni Nonie Nicasio
HATAW sa sunod-sunod na acting projects ang model-actress na si Ara Altamira.
Sa April 7 (Sunday) ay mapapanood si Ara sa Regal Studio Presents: My Daddy Chef. Bukod kay Ara, tampok dito ang kilalang chef at vlogger na si Ninong Ry at ang child actor na si Euwenn Mikaell.
Si Euwenn ay isang Sparkle artist at nanalong Best Child Performer sa nagdaang MMFF 2023 para sa pelikulang Firefly.
Gumaganap dito si Ara bilang si Jaja, ang wife ni Ninong Ry at mother ni Owen (Euwenn).
Ipinahayag ni Ara ang kagalakan na maging bahagi ng episode ng Regal Studio Presents. “Sobrang happy ko po, kasi sobrang sikat ni Ninong Ry kaya sobrang privilege… Plus, ang pogi at Best Child Actor pa iyong anak ko rito. Sobrang fan ako ni Euwenn sa movie na Firefly,” nakangiting wika niya.
Dagdag na kuwento pa ni Ara, “Ang story po ng My Daddy Chef, father-son story siya na nag-reunite sila after ilang years makulong ni Mitoy na ginagampanan po ni Ninong Ry. Dito’y sinusubukan niyang bumawi at makapag-bonding sa anak niya, with wife’s help.”
Directed by Bobby Bonifacio Jr., mapapanood ang Regal Studio Presents: My Daddy Chef sa April 7, sa ganap na 4:15 in the afternoon, sa GMA-7.
Bukod dito, kabilang sa iba pang projects na aabangan kay Ara ang VIU: Secret Ingredient at ang TBON The Bill Out Night.
Pahayag niya, “Ang role ko sa Secret Ingredient is isang Indonesian Chef. Ang casts po nito ay sina Julia Barretto, Sang Heon Lee, Nicholas Saputra, Gabby Padilla, at iba pa.
“Ito po ay isang Indonesian-Korean-Philippines collaboration, isa siyang International series na soon ay mapapanood sa VIU, bale this April po. Bukod sa Pinoy actors, mga Indonesian at Korean actors po ang kasali sa International series na ito.”
Ano ang reaction niya na pati sa international TV series, nakukuha na siya? “Very happy, Lalo na sobrang close ng heart ko sa Indonesia, kaya excited talaga ako sa project na ito.
“Sikat po si Nicholas Saputra sa Indonesia, parang siya ang Piolo Pascual ng Indonesia. Ang setting is Indonesia, nag-cast sila ng Pinoy na marunong mag-Indonesian kaya advantage for me dahil marunong ako mag-Bahasa, kaya ‘di ko pinalampas ang opportunity.”
Pahabol pa ni Ara, “Ang TBON The Bill Out Night naman po ay napapanood po sa Facebook Page nito. Everyday sila, may iba-ibang content. Paki-abangan na lang po kung kailan ako nandoon, most of the time naman nandoon po ako. Follow pages: TBON The Bill Out Night, TBON Extended, Sine Matik, Relation Sheets.”