ALAM MO NA!
ni Nonie Nicasio
NAG-UWI na naman ng karangalan ang BG Productions International sa pamamagitan ng pelikulang AbeNida. Ito’y via the 10th Emirates Film Festival sa Dubai.
Ang bagong obra ng award-winning director na si Louie Ignacio ay pinagbibidahan nina Allen Dizon at Katrina Halili. Kapwa nanalo ng acting awards ang dalawa sa naturang international filmfest.
Waging Best Actor dito si Allen, para sa kanyang 13th international Best Actor award at 51st acting awards. Nakopo naman ni Katrina ang Best Supporting Actress award para sa kanyang dual role sa naturang pelikula. Ang AbeNida ay nakamit din ang Best International Film Feature rito.
Incidentally, nominado rin sa Best Supporting Actor si Direk Joel Lamangan dito at sa Best Director naman si Direk Louie.
Sina Ms. Baby Go at Ms. Polly Jean Go ang nasa likod ng tagumpay ng BG Productions International. Si Dennis Evangelista naman ang Line Producer ng pelikula.
Sobrang saya nina Allen at Katrina sa natamong karangalan.
“Hindi namin ine-expect na mananalo kaming dalawa, pero ginawa namin iyong best namin,” pahayag ni Allen sa nakuha nilang acting trophies ni Katrina.
Dagdag pa ng mahusay na aktor, “Blessed kami na napasama sa napakagandang pelikula ni Direk Louie Ignacio.”
Wika naman ni Katrina, “Iyong manalo ka ng award, iyong parang, talagang… nag-screening sila, tapos ang dami naming kalaban, so ang hirap din po niyon para mapansin ka, eh. So happy ako, sobrang masaya.”
Sa panig naman ni Ms. Go, sinabi niyang happy siya sa award at ginagawa niya ang pagprodyus ng mga pelikula para makatulong sa movie industry.
“Siyempre happy tayo sa award na ito, para maipakita rin natin sa mga tao, na gusto kong patunayan sa kanila…. pero saka na lang ako magsasalita. Gusto lang namin talaga na makatulong sa movie industry at makagawa ng magagandang pelikula.”
“Sobrang proud ako sa mga achievement ng BG productions, lahat iyon ay sa hard work ng buong production team, sa mga artists, directors, so very proud ako… and siyempre, more to come,” wika naman ni Ms. Polly.
Nang usisain kung ano ang pakiramdam na after 20 years sa showbiz ay nagkaroon siya ng acting award at sa international filmfest pa, ito ang tugon ni Katrina.
“Oo nga… Actually, never ko pong naisip na magkaka-award ako,” nakangiting bulalas ni Katrina. Aniya pa, “Kasi hindi ba, dati pa lang? Parang sabi ko, ‘Ano ba iyan? Wala man lang akong ka-award award? Kahit Best New, Best ano…, Hindi ba?’ Mayroon naman, FHM, sabi ko, ‘Siguro hanggang doon na lang ito.’
“So iyon, happy ako, pero never kong in-expect na magkakaroon ako ng award. Basta nagtatrabaho lang ako, ginagawa ko lang kung ano ang sinasabi (ng director).”
Nabanggit din ni Katrina na masarap katrabaho si Allen. “Siyempre masarap po siyang katrabaho. Tutulungan ka po niya sa mga eksena, hindi ka mahihirapan. At saka masarap talaga kapag magagaling ang mga kasama mo, madadala ka talaga at hindi ka na mahihirapang mag- internalize.”
Sa panig naman ni Allen, sinabi niyang, “May pressure pa rin sa akin, mahirap pa rin iyong role dahil unang-una ay hindi ako baliw sa totoong buhay,” natatawang sambit niya.
“And kailangan kong makuha kung paano talaga iyong pag-ukit, iyong sculpture, hindi ako marunong talaga niyan and kailangan kong pag-aralan. Basta every time na may gagawin akong pelikula, ibinibigay ko iyong best ko at kailangan ko talagang pag-aralan ang role ko,” wika pa ni Allen na isa rin sa stars ng top rating Kapuso afternoon series na ‘Abot Kamay Na Pangarap’.
Sa ngayon ay umiikot pa sa iba’t ibang international film festival ang pelikula.Magkakaroon din ito ng US premiere at ilalaban din sa Worldfest Houston Film Festival sa Texas.
Balak magkaroon ng premiere night sa bansa at pagkatapos ay ipalabas sa mga sinehan ang AbeNida ngayong buwan ng Mayo.