PINARANGALAN at kinilala si Quezon City Police District (QCPD) Director, PBGen. Redrico Maranan at limang tauhan ng District Tactical Motorized Unit (DTMU) sa kanilang dedikasyon, katapatan sa trabaho at pagbibigay serbisyo sa bayan.
Ang parangal ay isinagawa sa session sa Plenary Hall ng Kongreso nitong Lunes, 19 Marso 2024.
Ang lima pang pinarangalan ay sina P/LtCol. Von Alejandrino, P/EMSgt. Rodolfo Calma, Jr., P/CMSgt. Jesus Chito Manaois, P/MSgt. Ladislao Constantino, at P/MSgt. Marcial Marquez pawang mga tauhan ng DTMU.
Matatandaan na nagpapatrolya ang mga tauhan ng DTMU nang makita sa EDSA/ Balintawak ang isang asul na pastic bag, may lamang P30,000 at identification card ng isang Edgar Osila.
Agad na inalam ng mga pulis at hinanap ang may-ari ng pera at ID. Natunton sa Balintawak Market ang may-ari ng ID at sinabing ang amo niyang si Rhea Bernardo na isang negosyante ang nagmamay-ari ng nawawalang P30,000 kung saan ibinalik ang nasabing halaga.
Tiniyak ni Maranan na hangga’t siya ang hepe ng QCPD masisiguro ang peace and order at maayos na serbisyo ng mga pulis. (ALMAR DANGUILAN)