SA PAG-AAKALANG si Bureau of Corrections (BuCor) Director General Gregorio Pio P. Catapang, Jr., ang sakay, binaril ng hindi kilalang suspek ang sasakyan ng opisyal sa Quezon City nitong Martes ng umaga.
Sa ulat, nabatid na ipinahiram ni Catapang ang kaniyang bullet proof na sasakyang Toyota Hilux, may plakang WDQ 811 sa kanyang Deputy Director General for Administration na si Atty. Al Perreras.
Batay sa inisyal na ulat dakong 6:30 am nitong Martes, 19 Marso, sakay ng Hilux ang mga security escort na sina CO1 Cornelio Colalong, at CO1 Leonardo Cabaniero, kasama ang isa pang back-up na Innova, minamaneho ni CSO2 Edwin Berroya, kasama si CO2 Michael Magsanoc upang sunduin si Perreras sa Quezon City.
Pero pagsapit sa Skyway patungo sa Quezon City ay bigla na lamang nag-overtake ang hindi kilalang mga suspek na sakay ng kulay abong Toyota Vios sa back up car na Innova at pinagbabaril ang nasa unahang Hilux na pag-aari ni Catapang.
Hindi nasugatan ang mga sakay ng sasakyan dahil bullet proof ito pero tinamaan ang likurang windshield at nabasag ang bullet proof glass.
Gayonman, hindi umano tumagos ang bala na patungo sana sa passenger front side ng sasakyan kung saan karaniwang nakaupo si Perreras.
Sinabi ni Catapang, matagal na silang nakatatanggap ng mga pagbabanta sa buhay ni Perreras mula nang ipatupad nila ang iba’t ibang reporma sa Bilibid.
Pero tiniyak ng BuCor chief hindi magiging hadlang sa kanila na ipagpatuloy ang kanilang nasimulan sa kabila ng insidente at mga pagbabanta sa kanilang buhay. (ALMAR DANGUILAN)