ALAM MO NA!
ni Nonie Nicasio
SINA Shamaine Buencamino and Carlos Siguion-Reyna ng pelikulang Pushcart Tales at Jeff Moses ng Under a Piaya Moon, ang sumungkit ng Best Actress at Best Actors respectively, sa Puregold CinePanalo Film Festival na ginanap last Saturday sa Cinema 5 ng Gateway Mall, Cubao, Quezon City.
Tabla bilang Best Actor sina Carlos at Jeff.
Kabilang sa listahan ng mga nominadong Best Actress sina Therese Malvar (Pushcart Tales), Elora Españo (Pushcart Tales), at Uzziel Delamide (A Lab Story).
Ang mga nominadong Best Actor naman ay sina Noel Comia, Jr., (Boys at the Back), Harvey Bautista (Pushcart Tales), Potchi Angeles (A Lab Story), VJ Mendoza (Road to Happy), at Nonie Buencamino (Pushcart Tales).
Sa kanyang acceptance speech, ito ang pahayag ng veteran actress na si Shamaine: “Maraming-maraming salamat po sa Puregold at sa mga hurado ng CinePanalo. Isa pong karangalan lalo na at nominado rin ang magagaling na aktres na si Elora, si Teri, at si Uzziel!
“Sa akin pong direktor, eto na! Pangalawang pelikula ko po ito kay Sig, umuwi kaming talunan noon. Hahaha! Pareho siyempre kaming malungkot, pero si Sig po ‘yung direktor na tinawagan niya ako para rito. Hindi ko po hiningi ‘yung script, tinanggap ko na lang po agad. Kasi naniniwala po ako sa kanya, hindi lang dahil maganda ang script kundi dahil magaling po siya.
“Gusto ko rin pong magpasalamat sa mga co-actors ko. Mahirap po ‘yung ginawa namin! Mahirap pong magpaka-zombie pala at mag-shooting nang gabi sa halip na araw.
“To our staff… na kahit na nagtitipid. Fully-supported po kami.”
Pagpapatuloy ng mahusay na aktres, “Pero ang pinakapinasasalamatan ko po ay ang aking kabiyak, ang aking loveteam na si Nonie Buencamino. Hindi po kami package deal. Hahaha! Ako po muna iyong tumanggap, tapos, tinawagan din siya.
“Nagdarasal ako noon na tanggapin niya pero wala akong sinasabi. Kasi siyempre I didn’t want to influence his decision. E sa edad ko pong ito, mahirap nang makipag-kissing scene sa lalaki. Kaya pinadali niya ang trabaho ko.
“At siya po talaga ang nag-alaga sa akin habang nagsu-shoot kami ng pelikulang ito. Dad, this is for you! Thank you so much.”
Samantala, ang veteran actor na si Joel Torre ang nanalong Best Supporting Actor para sa Under A Piaya Moon.
Ang iba pang nominadong Best Supporting Actor ay sina Smokey Manaloto (Road to Happy), Raynier Brizuela (Boys at the Back), Tommy Alejandrino (One Day League: Dead Mother, Dead All), at Giovanni Baldisseri (Boys at the Back).
Ang Best Supporting Actress ay si Nicole Omillo para sa Boys at the Back.
Kabilang sa nominadong Best Supporting Actress ay sina Donna Cariaga (A Lab Story), Pau Dimaranan (Under A Piaya Moon), at Chart Motus (Under A Piaya Moon).
Best Picture para sa Full-Length Category
ang Under a Piaya Moon ni Direk Kurt Soberano, Special Jury Prize ang Pushcart Tales, at Best Director si Sigrid Andrea P. Bernardo ng Pushcart Tales.
Sa Short Film Category ay nanalong Best Short Film ang Last Shift, Special Jury Prize for Short Film: Kent Michael Cadungog, “Text FIND DAD and Send to 2366, at Best Director si Dizelle C. Masilungan ng Kung Nag-aatubili.
Isang malaking tagumpay ang pagdaraos ng unang Puregold CinePanalo Film Festival kaya naman ang festival director nitong si Direk Chris Cahilig ay nagpost ng ganito sa kanyang FB:
“Sa totoo lang, naiiyak ako sa saya the whole time. Ayoko lang agawan ng eksena ang mga filmmakers.”
Nauna rito, nakatutuwa rin ang naging FB post n Direk Chris: Went home feeling quite emotional. Totoo na pala ito. Tapos na ang Day 1 ng Puregold CinePanalo. O dream sequence lang ba ito sa pelikula?
Ayon pa kay direk Chris, ang naturang filmfest na nilahukan ng anim na brand new original feature films at twenty-five na original student short films ay magiging annual event.
Mapapanood pa rin ang Puregold CinePanalo Film Festival hanggang March 19 sa Gateway Mall, Cubao, QC.
Magaganda ang mga entry, pati short films, kaya dapat na tangkilikin ito ng mga kababayan natin.