TATLONG lalaking pinaghihinalaang mga tirador ng kawad ng koryente ang natagpuang wala nang buhay attadtad ng bala sa katawan sa bayan ng San Ildefonso, Bulacan, nitong Sabado ng umaga, 16 Marso.
Sa ulat na ipinadala kay P/Col. Relly Arnedo, Provincial Director ng Bulacan PPO, nabatid na natagpuan ang tatlong biktima na may mga tama ng bala sa iba’t ibang bahagi ng katawan sa loob ng isang tricycle na may kargang mga rolyo ng mga ginamit na kable sa Purok 7, Brgy. Basuit, sa nabanggit na bayan.
Sa inisyal na imbestigasyon, si Gilbert Cruz, kagawad ng naturang barangay, ay tumawag sa lokal na pulisya upang iulat ang pagkakatagpo sa mga katawan ng mga biktima dakong 6:10 am, kamakalawa, sa lugar na napliligiran ng mga sakahan.
Agad na inilunsad ang isang follow-up investigation ng pulisya at dragnet operations, pati ang pagpapatawag sa SOCO upang iproseso ang lugar ng krimen.
Sa kasunod na ulat na ipinadala ng San Ildefonso MPS kay P/Col. Arnedo, sa parehong petsa, dakong 9:00 am nang dumating ang SOCO team mula sa Bulacan Provincial Forensic Unit sa pangunguna ni P/Maj. Mercilyn Mondia at iprinoseso ang pinangyarihan ng krimen.
Narekober sa lugar ang 20 fired cartridge cases (FCCs) ng kalibre 5.56, tatlong fired cartridge cases (FCCs) ng caliber 45, at isang deformed fired bullet.
Kalaunan, dinala ang mga labi ng mga biktima sa RAI Funeral Homes sa Brgy. Pala-pala, para sa pagkuha ng buccal swab, paraffin cast, at post-mortem fingerprint.
Dakong 1:00 pm, lumitaw ang isang Richard De Guzman, na kagawad ng barangay at residente sa Brgy. Calasag, at personal na kinilala ang isa sa mga biktimang si Robin De Guzman, 21 anyos, binata, residente ng kaparehong barangay
Gayondin, daking 3:30 pm nang positibong kilalanin ni Mary Jane Francisco, residente sa Brgy. Inaon, Pulilan, ang isa pang biktima na kanyang live-in partner na si William Diaz, 35 anyos, tubong-Mercedes, Camarines Norte, at kasalukuyang naninirahan sa Brgy. Inaon.
Lumabas sa impormasyon na magkamag-anak ang dalawang biktima samantala hindi pa rin tukoy ang pagkakakilanlan ng isa pang biktima.
Nagpapatuloy ang follow-up investigation at hot pursuit ng pulisya, gayondin, ang mga available na CCTV footages ay hiniling para sa posibleng pagkakakilanlan ng mga suspek sa krimen. (MICKA BAUTISTA)