IBINALITA ni Department of Health Undersecretary Maria Rosario S. Vergerie ang pagpapatupad ng Health Facilities Enhancement Program ng DOH na may aprobadong P31 milyong grant sa Bulacan Medical Center (BMC) sa idinaos na pulong kasama si Gob. Daniel R. Fernando sa Joni Villanueva General Hospital, Bocaue, Bulacan.
Ang bagong kagamitang medikal na mabibili sa tulong ng grant ay may mahalagang papel sa pagsuporta sa mga inisyatibong pangkalusugan ng BMC na magbibigay-daan sa ospital para makapag-alok ng mga makabagong pagsusuri at modalidad sa paggagamot.
Ayon kay Fernando, ang pinansiyal na tulong mula sa DOH ay magpapalakas sa misyon ng lalawigan na maghatid ng mahusay na serbisyong pangkalusugan.
“Ito ang magbibigay-daan sa aming lalawigan na paigtingin ang aming misyon na maghatid ng mga napakahusay na serbisyong pangkalusugan. Ito ay patunay sa aming dedikasyon sa patuloy na pagpapabuti at kahusayan sa pangangalaga sa mga pasyente,” anang gobernador.
Bukod dito, sinabi ni BMC Director Dr. Angelito Trinidad na ibibigay na ang Health Emergency Allowance for Payment sa BMC at sa mga district hospital sa lalawigan sa ikalawang quarter ng taong ito.
Ang Health Facilities Enhancement Program ng DOH ay nakaangkla sa malawak na layunin ng pamahalaan sa pangangalaga sa kalusugan na nagbibigay prayoridad sa pagkakamit, abot-kaya, at dekalidad na pangangalaga para sa lahat ng mga Filipino. (MICKA BAUTISTA)