SISIYASATIN ng Department of the Interior and Local Government (DILG) kung may pananagutan ang mga kinauukulang lokal na pamahalaan sa viral resort na itinayo sa protektadong lugar ng Chocolate Hills sa Bohol.
“Kapag may kapabayaan sa tungkulin o kahit anong iregularidad sa bahagi ng mga opisyal na inatasang protektahan at pangasiwaan ang lugar, hindi kami magdadalawang-isip na ituloy ang nararapat na legal na aksiyon,” ayon kay DILG Secretary Benhur Abalos sa isang pahayag nitong Huwebes.
“Sa ilalim ng ating Local Government Code, mayroon silang mandato na pahusayin ang karapatan ng mga tao sa balanseng ekolohiya. Kung ang ilegal na konstruksiyon ay pinahihintulutan sa loob ng isang protektadong lugar, ito ay lubhang kairesponsablihan,” dagdag niya.
Nakiisa si Abalos sa publiko sa mga alalahanin sa pagtatayo ng pool resort sa loob ng Chocolate Hills.
“Ang Chocolate Hills ay isang UNESCO World Heritage Site at isang protektadong lugar sa ilalim ng Proclamation No. 1037 Series of 1997 at ang National Integrated Protected Areas System (NIPAS) Act of 1992,” diin ni Abalos.
“Anomang aktibidad na nakagagambala o sumisira sa mga protektadong lugar tulad ng Chocolate Hills, nang walang tamang awtorisasyon, ay ipinagbabawal ng batas,” giit ng DILG chief.
Una nang inilinaw ng Department of Environment and Natural Resources (DENR) na naglabas sila ng temporary closure order noong Setyembre 2023 gayondin ng violation notice noong Enero 2024 laban sa Captain’s Peak Resort.
Ayon sa ahensiya, walang environmental clearance certificate (ECC) ang operasyon ng resort.
Sinabi ng lokal na pamahalaan ng Sagbayan, Bohol hindi pa sila nakatatanggap ng kopya ng temporary closure order mula sa DENR.
Sinabi ng executive secretary ng Office of the Mayor na si Felito Pon, nakarating sa lokal na pamahalaan ang ilang aplikasyon kaugnay ng resort noong 2018 at sila ay isinangguni sa Protected Area Management Board (PAMB).
Sa panig ng municipal government, sinabi ni Pon na babawiin ang business permit ng resort kapag may nagawang paglabag. (ALMAR DANGUILAN)