PATAY ang isang 55-anyos ginang at ang dalaga niyang anak nang barilin sila sa ulo ng jail officer ng Bureau of Jail Management and Penology (BJMP) na kalaunan ay nagbaril din sa sarili sa Valenzuela City, kahapon ng madaling araw.
Dead on-the-spot ang biktimang si Lanie Belen Bernardo, at ang jail officer na si Mhel Manibale, residente sa Calderon St., Sta Lucia, Novaliches, Quezon City habang naisugod sa Valenzuela City Medical Center (VCMC) ang 27-anyos na si Mary Grace ngunit namatay habang nilalapatan ng lunas.
Sa isinumiteng ulat nina P/EMSgt. Felix Viernes at P/SSgt. Regor Germedia kay Valenzuela police chief P/Col. Salvador Destura, Jr., nabatid na dakong 2:45 am nang magkaroon ng mainitang pagtatalo ang mag-ina at ang suspek kaugnay ng relasyon ng lalaki sa isa pang anak na babae ng ginang na si alyas Bernadette.
Sa gitna ng kanilang pagtatalo, nagpumilit ang suspek na pumasok sa bahay ng mag-ina sa Navarrette St., Brgy. Arkong Bato ngunit pinigilan siya ng mga biktima dahilan para barilin sila sa ulo ni Mhel.
Nang kapuwa duguang bumulagta ang mag-ina, dito nagpasiyang magbaril din sa sarili si Mhel na agad niyang ikinamatay.
Kaagad nakapagresponde sa lugar ang mga tauhan ng Polo Police Sub-Station-5 na siyang tumawag sa Valenzuela City Disaster Risk Reduction and Management Office (VCDRRMO) at nagdeklarang patay na ang ginang at ang suspek. Sila rin ang nagdala kay alyas Mary sa ospital kung saan siya namatay. (ROMMEL SALES)