NASAMSAM ng mga awtoridad sa Nueva Ecija, sa pangunguna ng mga tauhan ng Cuyapo Municipal Police Station (MPS), ang mga hindi rehistradong baril at bala mula sa isang indibiduwal sa Barangay Curva, Cuyapo, Nueva Ecija, noong 8 Marso.
Ang operasyon na humantong sa pagkakadakip ng suspek ay isinagawa ng mga awtoridad sa bisa ng Search Warrant No. 06-2024-OEJ na inisyu sa Guimba, Nueva Ecija.
Isinagawa ang operasyon ng mga tauhan ng Cuyapo MPS na nagresulta sa pagkakakompiska ng mga sumusunod na gamit: isang kalibre 45 pistola Norinco, isang kalibre 40 pistola Forjas Taurus, isang kalibre 9mm pistol na Glock, isang kalibre 22 Rifle, anim na magazine ng pistola, apat na rifle magazine, 100 piraso ng mga bala ng pistol, at 64 piraso ng bala ng rifle.
Inihahanda na ang mga kasong paglabag sa Republic Act 10591 (Comprehensive Firearms and Ammunition Regulation Act) laban sa suspek para sa referral ng korte.
“Patuloy naming pinalalakas ang aming agresibong pagsisikap na makabawi at makasamsam ng mga loose firearms sa pamamagitan ng patuloy na operasyon ng pulisya at pagpapatupad ng search warrants laban sa mga may-ari ng ilegal na baril. Nawa’y magsilbing mahigpit na babala ito sa lahat lalo sa mga hindi pa nagre-renew ng lisensiya o nag-turnover ng kanilang mga undocumented firearms sa kanilang pinakamalapit na police stations para sa pag-iingat. Mas mahigpit na parusa ang ipinapataw sa mga lalabag,” sabi ni PRO3 Director PBGen. Jose S. Hidalgo, Jr. (MICKA BAUTISTA)