HINDI nagawang makasibat ng 19 indibiduwal na lumabag sa batas matapos sunod-sunod na arestohin sa isinagawang anti-criminality operations ng pulisya sa Bulacan hanggang kahapon.
Sa ulat na ipinadala kay P/Col. Relly B. Arnedo, provincial director ng Bulacan PPO, ang serye ng buybust operation na ikinasa ng Station Drug Enforcement Unit ng Malolos CPS, San Miguel, at Calumpit MPS ay nagresulta sa pagkaaresto sa walong tulak ng droga.
Nakompiska sa operasyon ang kabuuang 22 plastic sachet ng hinihinalang shabu, tinatayang may timbang na 5.9 gramo, may halagang aabot sa P40,1200 at buybust money.
Samantala, sa pagtugis sa mga pugante, sa inilatag na serye ng manhunt operations ng tracker teams ng mga operatiba ng San Jose Del Monte CPS, Guimba MPS, at RMFB 3; Meycauayan at Malolos CPS, Bocaue, Bulakan, at Marilao MPS ay nagresulta sa pagkakaaresto sa anim na taong wanted ng batas sa pamamagitan ng bisa ng Warrant of Arrest.
Bukod dito, matagumpay na naaresto ang limang sugarol sa isang anti-illegal gambling operation na isinagawa ng mga tauhan ng Norzagaray MPS.
Ang mga suspek ay nahuli sa aktong naglalaro ng ilegal na coin game (cara y cruz) sa Sitio Curvada, Brgy. Minuyan, Norzagaray, Bulacan at nakompiska mula sa kanila ang tatlong piraso ng isang pisong barya at bet money sa iba’t ibang denominasyon.
Ang lahat ng mga naarestong akusado at mga suspek ay kasalukuyang nasa kustodiya ng arresting police station para sa kaukulang disposisyon.
Sinabi ni P/Col. Arnedo na ang dedikadong pagsisikap ng Bulacan police laban sa lahat ng uri ng kriminalidad ay naaayon sa patnubay ng pinuno ng PNP, na epektibong iniutos ni PNP PRO3 Director, PBGen. Jose S. Hidalgo, Jr. (MICKA BAUTISTA)