MAINGAT na nailatag at naisakatuparan ang planong anti-illegal drug sting operation ng mga operatiba ng Olongapo City Police Station (CPS), dalawang high-value peddlers ang nasakote at nakompiska ang may P680,000 halaga ng ilegal na droga, nitong Lunes ng gabi, 11 Marso 2024.
Ang buybust operation sa Brgy. Sta. Rita sa naturang lungsod bandang 11:15 pm ay nagresulta sa pagkaaresto kay alyas Amang at sa kanyang kasabuwat kasama ang pagkakasamsam ng hindi kukulangin sa 100 gramo ng hinihinalang shabu.
Dinala ang mga suspek at ang mga nakompiskang ebidensiya sa tanggapan ng CPDEU para sa dokumentasyon at tamang disposisyon samantala mahaharap sila sa kaukulang kasong kriminal kaugnay ng RA 9165.
Kaugnay nito, sinabi ni PRO3 Director PBGen. Jose S. Hidalgo, Jr., ang matagumpay na operasyon ay isa pang makabuluhang pakinabang para sa anti-illegal drug campaign ng bansa.
Idinagdag niya: “Nais kong purihin ang pagsusumikap ng mga tauhan ng pulisya na nagtatrabaho kahit sa gabi upang pigilan ang lahat ng uri ng kriminalidad sa ating mga komunidad.” (MICKA BAUTISTA)