NASABAT ng pinagsanib na puwersa ng Bureau of Customs (BoC) at Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) ang P15 milyong halaga ng pinatuyong dahon ng marijuana o damo sa Manila International Container Port (MICP) sa Tondo, Maynila noong Huwebes.
Batay sa report ng PDEA, nakatanggap ng ‘tip’ ang Customs Intelligence Service ng MICP kaugnay ng dalawang balikbayan box na darating sa Container Freight Station 3 na sinasabing ‘misdeclared’ at naglalaman ng ilegal na droga.
Agad nag-isyu ng alert order sa examination area at isinailalim ang shipment sa physical examinations.
Sa loob ng balikbayan box ay nakita ang isang container drum na pinagtaguan ng dried marijuana leaves na may timbang na 13 kilos at may estimated value na P15,600,000.
Nakasuksok naman sa mga bedsheets/beddings ang tatlong kilo ng dried marijuana leaves na may tinatayang halagang P3,600,000.
Nakita rin ang tatlong piraso ng karton ng cereals na may nakatagong 250 gramo ng marijuana na nagkakahalaga ng P300,000.
Magugunitang una nang nakasabat ang BoC at PDEA ng karton-kartong marijuana at iba pang droga na tinatayang nasa mahigit P14 milyon ang halaga sa Port of Manila. (ALMAR DANGUILAN)