ni Almar Danguilan
INIIMBESTIGAHAN ng mga awtoridadang pagkamatay
ng isang rider na sinabing nawalan ng kontrol sa minamanehong motorsiklo at nagpagewang-gewang hanggang sumalpok sa sementadong plant box sa isang center island sa Quezon City nitong Linggo ng madaling araw.
Kinilala ang biktima na si Glen Ver Osted Plaza, alyas Dong, 30 anyos, residente sa Brgy. Bahay Toro, Quezon City.
Sa report ng Quezon City Police District (QCPD) Traffic Sector 6, bandang 12:30 am kahapon, Linggo 10 Marso, nangyari ang insidente sa Mindanao Ave., southbound tunnel sa Brgy. Talipapa.
Sa imbestigasyon ni P/SSgt. Romeo Birog, Jr., ng Traffic Sector 6, sakay ng Yamaha Sniper Motorcycle, may plakang 7096-RN, binabaybay ng biktima ang Mindanao Ave., mula North Luzon Expressway (NLEX) patungong Tandang Sora Ave.
Ngunit pagdating sa Mindanao Ave., southbound tunnel, nakitang nagpagewang-gewang ang motorsiklo ng biktima hanggang sumalpok sa konkretong plant box sa center island.
Sa lakas ng hampas ay tumilapon ang biktima na nagresulta sa kanyang agarang pagkamatay.
Sa mga social media post ng kanyang mga kaibigan, labis ang kanilang panghihinayang sa pagkamatay ng biktimang, anila’y mabait at matulungin. (ALMAR DANGUILAN)