TINATAYANG nasa P153,568 ang kabuuang halaga ng ilegal na drogang nakompiska sa 15 tulak na naaresto kabilang ang limang most wanted persons (MWPs) sa anti-criminality operations na inilatag ng pulisya sa Bulacan kamakalawa.
Ayon sa ulat na ipinadala kay P/Col. Relly B. Arnedo, Provincial Director ng Bulacan PPO, sa serye ng buybust operations na ikinasa ng Station Drug Enforcement Unit (SDEU) ng Bocaue, Bustos, Calumpit, Hagonoy, Obando, Malolos, at Pulilan C/MPS ay arestado ang 14 drug peddlers.
Nakompiska sa operasyon ang kabuuang 44 plastic sachet ng shabu at tatlong sachet ng marijuana, may standard drug price (SDP) na P71,968 at buybust money.
Kasunod nito, nagpatupad ng search warrant ang mga elemento ng Bustos MPS na ikinaaresto ng isang suspek sa pagbebenta ng droga sa Brgy. Bonga Menor, Bustos.
Nakompiska sa suspek ang 22 plastic sachet ng hinihinalang shabu, may timbang na 12 gramo at tinatayang may nasa P81,600 ang halaga base sa Standard Drug Price (SDP), drug paraphernalia, at buybust money.
Sa inilatag na manhunt operation ng tracker team ng Meycauayan CPS kasama ang Bulacan 2nd Provincial Mobile Force Company, at tracker team ng Quezon Police Provincial Office, PRO 4A ay nagresulta sa pagkaaresto ng most wanted person (regional level) sa kasong rape at sexual assault (3 counts) sa Barangay Longos, Malolos City sa bisa ng warrant of arrest na inisyu ng Regional Trial Court (RTC) Branch 63 Calauag, Quezon.
Bukod dito, inaresto ng tracker team ng Pandi, Obando, Meycauayan, at Baliwag C/MPS, at Bulacan 2nd Provincial Mobile Force Company, ang apat katao na may kasong pagnanakaw, estafa, at paglabag sa RA 9262.
Ang mga akusadong nadakip ay kasalukuyang nasa kustodiya ng kani-kanilang arresting unit/station para sa kaukulang disposisyon. (MICKA BAUTISTA)