BAGSAK sa kulungan ang isang lalaki nang makuhaan ng shabu makaraang masita sa paninigarilyo sa pampublikong lugar sa Caloocan City, kahapon ng madaling araw.
Ayon kay Caloocan City police chief P/Col. Ruben Lacuesta, habang nagpapatrolya ang mga tauhan ng Police Sub-Station 11 sa Robes-1, Area 1, Brgy., 175, Camarin, nakita nila ang isang lalaki na nagsisigarilyo sa pampublikong lugar dakong 2:30 am.
Nang hanapan si Roger (hindi tunay na pangalan) ng identification card para isyuhan ng ordinance violation receipt (OVR) ay tumakbo ang suspek para tumakas kaya hinabol siya ng mga pulis hanggang makorner at maaresto.
Nang kapkapan, nakompiska sa suspek ang isang plastic sachet na naglalaman ng nasa 5.8 grams ng hinihinalang shabu na tinatayang nagkakahalaga ng P39,440.
Mahaharap ang suspek sa kasong paglabag sa RA 9165 o ang Comprehensive Dangerous Drug Act of 2002. (ROMMEL SALES)