ni Allan Sancon
MADAMDAMIN ang mga tagpo sa ikalawang gabi ng lamay ng batikan at award winning actress na si Jaclyn Jose na dinaluhan ng mga ibang cast members at staff ng FPJ’s Batang Quiapo. Maging sina Ms. Cory Vidanes, Vice Ganda, Janine Gutierrez ay dumalo para makiramay.
Sinalubong ng mahigpit na yakap ni Andi Eigenmann si Coco Martin habang umiiyak. Naging very solemn ang programa ng gabing iyon na hosted by MJ Felipe. Bago nagsimula ay ipinakita sa audio visual presentation ang ilang mga naging project ni Jaclyn hindi lang sa telebisyon maging ang mga pelikulang nagbigay sa kanya ng parangal.
Makabagbag damdamin ang mga awiting inialay nina Zsa Zsa Padilla, Jona, at Jed Madela para kay Jaclyn.
Isa sa highlight ng programa ay ang pagbibigay mensahe ni Coco sa kanyang kaibigan at nanay-nanayang si Jaclyn.
Ikinuwento niyang ang premyadong aktres ang isa sa dahilan kung bakit siya napasok sa showbiz at ito rin ang isa sa mga artistang nakasama niya sa kanyang unang pelikulang Masahista.
Isa sa mga mensaheng ibinigay ni Coco na kumurot sa puso ng mga nasa lamay ay nang ikuwento niya ang huling araw na nag-usap nila ni Jaclyn.
“’Yung huling memories ko sa kanya na nag-usap kami roon sa labas ng tent niya na kung ano na nga ‘yung tatakbuhin ng karakter niya. Pagkatapos nga niyon pack-up na ako. Hindi ko makalimutan ‘yung memories na nagpaalam ako sa kanya sabi ko ‘Mommy Jane, babay, I love you!’ Sagot niya, ‘love you anak,’ tapos sabay alis niya.”