SUGATAN ang isang fruit vendor at tatlong menor de edad nang umandar ang nakaparadang L300 van at inararo ang mga tindahan ng prutas sa Quezon City, nitong Lunes ng gabi.
Kinilala ang mga biktima na sina Ronela Rosales Zabala, 29, vendor, nakatira sa Brgy. North Fairview, Quezon City; magkakapatid na sina Mark Daniel Gatmaitan, 12; Jenella, 15, at ang 4-anyos na si Jamir.
Agad inaresto ang may-ari ng van na si Michael Aguilar Yu, 40, residente sa Katuparan St., Brgy. Commonwealth, Quezon City.
Sa report ng Quezon City Police District (QCPD) Traffic Sector 5, bandang 10: 00 pm nitong Lunes, 4 Marso nang mangyari ang insidente sa Commonwealth Ave., sa harap ng Litex Market, Brgy. Commonwealth.
Sa imbestigasyon ni P/Col. Jenmark A. Betito, ng Traffic Sector 5, ipinarada umano ni Yu ang kaniyang minamanehong Mitsubishi L300 Van, may plakang TLW 616.
Makalipas ang ilang sandali ay umandar pasulong ang L300 Van deretso sa mga tindahan ng prutas at nahagip ang vendor, maging ang tatlong bata.
Agad na isinugod ang mga biktima ng Barangay Commonwealth Rescue Ambulance sa Rosario Maclang Bautista General Hospital para agad malapatan ng lunas.
Inihahanda na ang kaso laban sa driver ng van. (ALMAR DANGUILAN)