PINANGUNAHAN nina Gobernador Daniel R. Fernando kasama si Department of the Interior and Local Government (DILG) Assistant Regional Director Jay E. Timbreza ang inagurasyon ng 987.60 linear meter na drainage system sa Balagtas-Pandi Provincial Road sa kahabaan ng Brgy. Santol, Balagtas, Bulacan kahapon ng umaga, Martes, 5 Marso.
Layunin ng proyekto na nagkakahalaga ng P9,460,621, pinondohan sa pamamagitan ng 2022 Seal of Good Local Governance Incentive Fund, na masolusyonan ang problema sa pagbaha sa pamamagitan ng episyenteng pagkontrol dito, at magbigay ng maayos na daraanan ng maruming tubig, tubig mula sa ulan, at run offs sa lugar.
Ayon kay Fernando, sa pamamagitan ng proyekto, matutugunan ng lalawigan hindi lamang ang pagbaha kundi pati na rin ang panganib na dulot ng stagnant waters, na nagiging sanhi ng sakit at iba pang banta sa kalusugan at kaligtasan.
“Sa bawat hakbang natin tungo sa kaunlaran, patuloy nating tinitiyak ang kaligtasan at kaginhawaan ng bawat isa. Ito po ang tunay na simbolo ng Seal of Good Local Governance na pitong magkakasunod na taon na nating nakakamit — ang gumawa ng mga paraan upang maramdaman ng bawat isang mamamayan ang tapat at mapagkalingang paglilingkod ng ating pamahalaan,” anang gobernador.
Para kay Timbreza, binati niya ang lalawigan ng Bulacan sa pagkakamit ng SGLG award at sa matagumpay na implementasyon ng drainage project.
“Protektahan po natin at i-maintain po natin ang proyektong ito. Pagmalasakitan po natin ang proyektong ito. ‘Wag magtapon ng basura nang sa gayon ay humaba ang service years ng ating drainage system,” aniya.
Samantala, pinirmahan nina Fernando at DILG Bulacan Provincial Director Myrvi Apostol-Fabia ang certificate of turnover and acceptance na sinaksihan nina Timbreza, Bise Gob. Alexis C. Castro, Punong Bayan ng Balagtas Eladio E. Gonzales, Jr., Pangalawang Punong Bayan Ariel Valderama, at Bokal Cezar L. Mendoza. (MICKA BAUTISTA)