“GANOON LANG? Makalalaya lang sila, sana maramdaman din nila ‘yung nararamdaman ng pamilya ko ngayon na sobrang sakit na pagkawala ng anak ko. Sana sila rin,” naghihinanakit na pahayag ni Rodaliza Baltazar, ina ng teeneager na sinabing biktima ng police brutality sa Navotas City.
Ang pahayag ng nanay ng biktimang si Jemboy Baltazar ay naibulalas niya matapos hatulan ang mga pulis na akusado sa pagkamatay ng kanyang anak.
Isa sa anim na pulis na sangkot sa pagkamatay ng 17-anyos na si Jemboy ang hinatulang guilty sa kasong Homicide sa ginanap na promulgation sa Navotas City Regional Trial Court (RTC) noong Martes.
Hinatulan ni Navotas RTC Branch 286 Judge Pedro Dabu, Jr., si P/SSgt. Gerry Maliban na guilty sa kasong homicide at pinatawan ng apat hanggang anim na taong pagkakabilanggo at pinagbabayad ng multang P50,000 para sa moral at civil damages.
Ang apat pang akusado, sina P/EMSgt. Roberto Balais, Jr., P/SSgt. Nikko Esquillon, P/Cpl. Ednard Jade Blanco, at Pat. Si Benedict Mangada ay guilty sa illegal discharge of firearms at hinatulan ng apat na buwang pagkakakulong, habang napawang-sala si P/SSgt. Antonio Bugayong.
Ang anim na pulis ay unang sinampahan ng kasong Homicide ng Navotas City Prosecutor’s Office dahil sa pagkamatay ni Baltazar noong 2 Agosto 2023 matapos mapagkamalang sangkot sa insidente ng pamamaril sa kalapit na lugar.
Gayonman, hindi sumang-ayon ang Department of Justice (DOJ) sa pagsasampa ng kasong Homicide at sa halip ay itinaas ang mga kaso sa Murder laban sa anim na pulis.
Noong 15 Setyembre 2023, inaprobahan ng National Capital Region Police Office (NCRPO) ang rekomendasyon na tanggalin ang anim na pulis, kasama ang dalawa pang kapitan ng pulisya na sina Mark Joseph Carpio at Luisito Dela Cruz para sa “grave neglect of duty” ngunit sinabing ito ay maaari pa rin iapela.
Samantala, ang ina ni Jemboy na si Rodaliza Baltazar, ay nagpahayag ng pagkadesmaya sa desisyon ng korte ngunit hindi nagsampa ng apela o motion for reconsideration. (ROMMEL SALES)